Next admin suportado ni Bong Go
Ituloy mga inisyatiba ni PRRD
BILANG nagpapatuloy na senador, inihayag ni Senator Christopher “Bong” na susuportahan niya ang bagong papasok na administrasyong Bongbong Marcos at Sara Duterte, lalo ang pagpapatuloy ng magagandang programa na sinimulan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Naunang umapela si Go sa mga Pilipino na itaguyod ang kasagraduhan at igalang ang resulta ng katatapos na halalan.
Naunang hinikayat ni ang mga botante na pumili nang matalino upang matiyak ang pagpapatuloy ng pagsisikap ng administrasyong Duterte na malampasan ang pandemya.
“Nakita n’yo naman ngayon maganda ‘yung takbo ng ating COVID response. Dahil iyan sa pamumuno ng ating mahal na Pangulong (Rodrigo) Duterte. Mahalaga ngayon papaano maipagpapatuloy ‘yon at makabalik na tayo sa normal nating pamumuhay sana. Iyon naman po ang inaasam natin dito,” sabi ni Go.
Sa pagtatapos ng termino ni Pangulong Duterte, tiniyak ni Go sa mga Pilipino na bilang mambabatas, ipagpapatuloy niya ang pagsisikap ng kasalukuyang administrasyon sa pagbibigay ng mas ligtas at komportableng buhay para sa lahat.
“Ako naman po bilang inyong senador, susuportahan ko ‘yung magagandang programa na makakatulong sa mga mahihirap – tulad ng mga nawalan ng trabaho, ‘yung apektado talaga sa pandemyang ito…. Iyon po ang dapat unahing i-address ng incoming administration,” ayon sa senador.
“At yung mga magagandang programa naman tulad ng Build Build Build, tulong sa mga mahihirap, at pati na rin ang Malasakit program… ipagpatuloy n’yo lang. Iyon lang naman ang inaasam namin ni Pangulong Duterte, ipagpatuloy ninyo ‘yung magagandang programa to make life safer and more comfortable para sa mga Pilipino,” iginiit niya.
Samantala, kasunod ng ilang napaulat na karahasan na may kinalaman sa halalan, kabilang ang insidente ng strafing sa Buluan, Maguindanao na ikinamatay ng tatlo tao, hinimok ni Go ang Commission on Elections, mga alagad ng batas at militar na imbestigahan ang mga ulat at bigyan ng hustisya ang mga biktima.
“Trabaho naman ng COMELEC ‘yan and of course, the Armed Forces of the Philippines and PNP na sana po’y maiwasan itong mga pangyayaring ganito – may namamatay, may nagbubuwis ng buhay dahil sa eleksyon,” ani Go.
“Trabaho po ng pulisya ‘yan, imbestigahan n’yo na kaagad. Bigyan n’yo po ng hustisya. At sana po’y hindi maulit ‘yung mga gano’ng karahasan. Kawawa naman ‘yung mga ordinaryong Pilipino.
“Kadalasan ang mga nagiging biktimang namamatay ‘yung mga nasa baba, hindi naman ‘yung mga nasa taas. Kawawa po ‘yung mga kababayan natin,” idiniin ng mambabatas.