Default Thumbnail

NAGSASABOY NG ASIDO GUMAGALA!

March 20, 2024 Edd Reyes 101 views

LUMABO ang paningin ng isang volunteer lady guard nang sabuyan ng asido ng hindi pa kilalang lalaki sa Las Piñas City.

Nakalabas na ng pagamutan ang biktimang si alyas “Sarah” na edad 28-anyos na lady guard ng isang subdivision sa Barangay Pulang Lupa Dos, makaraang masuri ng dalubhasa sa Jose Reyes Memorial Hospital kung saan siya inilipat makaraang isugod sa Las Piñas General Hospital.

Siya’y dinala sa ospital matapos mawalan ng paningin nang sabuyan ng asido ng hindi pa kilalang lalaki na direktang tumama sa kanyang mga mata.

Nasapul pa ng CCTV camera na nakakabit sa loob ng subdivision ang ginawang pagsaboy ng lalaking nakasuot ng shorts, t-shirt at face mask sa biktima na noon ay nakaupo sa gilid ng guard house ng subdivision dakong alas-1:45 ng madaling araw nitong Marso 14, bago mabilis na nagtatakbong palayo sa lugar.

Sa natanggap na ulat ni Southern Police District (SPD) Director BGen. Mark Pespes, bago nangyari ang insidente ay may lalaking nakaalitan ang biktima noong Marso 13 nang kanyang sitahin dahil sa ginagawang paglalabas-masok sa loob ng subdivision.

Sa gitna ng kanilang pagtatalo, nagbanta raw ang hindi pa kilalang lalaki na babalikan siya, bagama’t hindi niya sineryoso ang pagbabanta.

Iniutos na ni Pespes kay Las Piñas Police Chief P/Col. Sandro Jay Tafalla ang pagtugis sa lalaking pasaway umano sa loob ng subdivision.

AUTHOR PROFILE