Posas

Sikyu nangholdap na, nanglamas pa

March 20, 2024 Melnie Ragasa-limena 111 views

HINIPUAN pa ng suspek ang general manager ng isang spa bago tumakas matapos nitong holdapin ang establisiyemento Miyerkules ng madaling araw sa Galas Quezon City.

Agad na naaresto ang suspek na si Christian Cruz y Sajonia, 42, binata, security guard ng mall at residente ng Brgy. Pasong Tamo, Q.C.

Batay sa pagsisiyasat ni PCpl. Niño Gamit ng QCPD-Galas Police Station, alas 12:40 ng madaling araw nang maganap ang insidente sa 17 G Araneta St., Brgy. Doña Imelda, Quezon City.

Sa salaysay ng biktima na GM ng 283 Time Massage , regular customer nila ang suspek at pumasok sa spa para magpamasahe.

Kasama ang kanyang massage therapist, sinabi ng general manager na nagulat sila nang magdeklara ng holdup ang suspek at kinuha ang susi ng kotse, cash dispenser, susi ng bahay at P3,000 cash.

Bago umalis, pinaghahawakan pa ng suspek ang dibdib ng biktima.

Sa follow-up operation, tinungo ng mga pulis sa pangunguna ni PCpl Arvin J Dumlao ang isang mall at inaresto ang suspek.

Nahaharap sa kasong robbery holdup at act of lasciviousness ang suspek.