Lala

MTRCB, FAP at Ayala Malls, sanib-pwersa sa ‘Balik Sinehan’

December 28, 2023 Ian F. Fariñas 295 views

Sa layuning palakasin pang lalo ang industriya ng pelikulang Pilipino, naglunsad ang Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB), sa pakikipagtulungan ng Ayala Malls at Film Academy of the Philippines (FAP), ng “Balik Sinehan” event noong Pasko sa Trinoma Malls Cinema, Quezon City.

Naghain si Njel de Mesa, vice chairman ng MTRCB na isa ring film producer, ng mahahalagang pananaw upang maibsan ang hamon ng pagbaba ng kita at kabawasan ng manonood sa sinehan bunsod ng popularidad ng mga streaming platforms.

“Hindi naman masama ang teknolohiya — ngunit sa pag-usbong ng mga streaming platforms, nagkaroon ng mas accessible at competitively-priced options ang mga manonood, naging mahirap para sa lokal na industriya ng pelikula, pati na rin sa mga sinehan, na makabangon pagkatapos ng pandemya. Kailangan nila ang ating tulong.”

Bukod sa pag-engganyo sa publiko na suportahan ang industriyang pelikula, inendorso rin ng MTRCB ang lineup ng pelikula sa ika-49 na Metro Manila Film Festival (MMFF).

Binigyan ang mga manonood at miyembro ng media ng gabay hinggil sa edad ng mga pelikulang kasali ngayong taon, mula sa G (General Audience) hanggang sa Parental Guidance) at R-13 (Rated-13).

Binigyang-diin din ng Board ang kahalagahan ng Responsableng Panonood.

“Iba pa rin ang saya ng panonood ng sine kasama ang pamilya at mga kaibigan, kaya’t narito ang MTRCB, FAP, Movie Workers Welfare (MOWELFUND) at Ayala Malls ngayong Pasko upang hikayatin ang lahat na dumalo at maranasan ang familial and communal experience na natatangi sa panonood ng pelikula sa malaking screen. Higit sa pagbibigay saya, tumutulong tayo sa pangangalaga sa ikinabubuhay ng mga nagtatrabaho sa industriya,” pahayag ni MTRCB Chairperson Lala Sotto.

Dumalo sina FAP Special Projects Officer Raymond Diamzon, FAP Admin Secretary Emilio “Toby” Dollete at Atty. Aundre Dollete, at mga artista mula sa NDM Studios na sina Shaneley Santos, Cheska Ortega at Ivan Padilla para suportahan ang MTRCB.

Pagkatapos ng “Balik Sinehan” event, sama-samang nanood ng MMFF entries sina Sotto, De Mesa at ang mga MTRCB Board Members na sina Atty. Cesar Pareja, Mark Andaya at Neal del Rosario.

AUTHOR PROFILE