Lacson

MSMEs makakatulong para makilala ang industriya ng leather tanning sa Zamboanga

April 3, 2022 People's Tonight 195 views

NGAYON pa lang ay dapat nang kumilos ang pamahalaan para ibenta sa publiko, sa tulong ng mga micro, small, and medium-sized enterprises (MSMEs), ang mga bagong produkto tulad ng leather tanning mula sa dagta ng niyog at nalikha ng mga siyentista.

Ito ang panawagan ni presidential candidate Ping Lacson nang malaman ang inobasyong ito sa kanyang pagbisita sa Zamboanga peninsula, kasama ng ka-tandem niyang si vice presidentiable Tito Sotto, at kanilang mga senatorial candidate na sina ex-Agriculture Secretary Manny Piñol at Dra. Minguita Padilla.

“‘Yung Europe bumibili sa Africa e meron tayo ngayon sa tanning. Isipin mo kung ‘yung Europe sa atin bibili… Ang laki ng kita ng ating mga coconut farmers, kasi diyan sa coconut nanggagaling (‘yung tanning). ‘Yan ang mga opportunities na nawawala sa atin dahil sa kulang ang suporta ng gobyerno,” sabi ni Lacson.

Sa ginanap na town hall meeting sa bayan ng Ipil sa Zamboanga Sibugay, sinabi ni Lacson na malaki ang papel ng pamahalaan para sa pagpapalakas ng mga produktong gawang Pinoy na makakapag-supply sa pangangailangan maging ng ibang mga bansa.

Nanghihinayang ang tambalang Lacson-Sotto, lalo pa si Piñol sa marami pa sanang mga nadidiskubreng produkto ng mga siyentista o mananaliksik pero dahil sa hindi lubusang nararamdaman ang tulong ng pamahalaan ay hindi ito naipalalaganap sa merkado.

Sinabi ni Lacscon na sa kanyang pamumuno ay makakaasa ang mga nasa sektor ng MSME at research and development na magkakaroon ng maayos na koordinasyon sa kanilang hanay ang pamahalaan upang maipakilala ang kanilang mga produkto at mapakinabangan ito bilang dagdag sa kita ng mga maliliit na negosyante.

“Hindi ito pangako. Ginagawa na namin talaga, advocate kami ng research and development. Sabi ko nga, taon-taon nag-au-augment talaga ako ng budget diyan,” ayon kay Lacson na nakilala bilang ‘budget guard’ sa Senado, dahil sa mahigpit niyang pagbabantay sa pinupuntahan ng pondo ng pamahalaan.

AUTHOR PROFILE