Default Thumbnail

Motornap suspek dedo sa QC encounter

June 16, 2022 Melnie Ragasa-limena 237 views

TODAS ang isang sinasabing motornapper nang paputukan ang mga pulis na sumita sa kaniya habang umiihi sa tabi ng nakaparadang hinihinalang kinarnap niyang motorsiklo sa Quezon City, Huwebes ng madaling araw.

Inilarawan ang suspek na may taas 5’1”, may medium build, nasa edad 30 hanggang 35, nakasuot ng puting V-neck shirt, asul na shorts, naka-tsinelas at may tattoo ng ‘’BAHALA NA’’ sa katawan.

Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang 12:30 a.m. (June 16) nang maganap ang enkwentro sa pagitan ng suspek at mga pulis sa paligid ng Quezon City Sports Complex, na matatagpuan sa St. Peter Julian Eymard Drive, Brgy. Kristong Hari, Quezon City.

Ayon sa mga nagrespondeng sina Police Corporals Jojo Antonio at Isias Depedro, ng Kamuning Police Station 10 ng QCPD, nagreklamo ang biktimang si James Ralph Enrile na tinangay ng ‘riding-in-tandem’ ang kaniyang sky blue Yamaha Nmax motorcycle sa Palansa St., Barangay Santol, sa lungsod.

Habang nagsasagawa ng anti-criminality patrol ang mga operatiba ng PS-11 sa pamumuno ni PLt. Col. Christopher Ian Ang ay naispatan nila ang isang lalaki na walang suot na face mask, at may nakasukbit na baril sa beywang habang umiihi sa sidewalk malapit sa nakaparadang motorsiklo.

Dahil dito ay nilapitan ng mga awtoridad ang lalaki upang sitahin at beripikahin pero biglang bumunot ito ng baril at pinaputukan ang mga pulis.

Gumanti ng putok ng baril ang mga operatiba at agad na bumulagta ang suspek.

Positibo namang kinilala ng biktima na ang napatay na suspek ang isa sa mga tumangay ng kaniyang motorsiklo.

Nasamsam sa crime scene ng SOCO team sa pamumuno ni Captain Michael Jabel ang black Yamaha NMAX, revolver caliber .38 na may limang bala, fired cartridge cases at deformed jacket fired bullet.