Miyembro ng BCJ binistay ng bala sa Tondo

September 1, 2022 Jonjon Reyes 209 views

MALAKI ang paniniwalang may kinalaman sa bawal na gamot ang ginawang pamamaril sa isang miyembro ng “Batang City Jail” (BCJ) sa isang hindi pa nakikilalang gunman sa panulukan ng Barcelona at Moriones Streets, Tondo, Maynila, madaling araw ng Huwebes.

Batay sa ulat na isinumite ni Det. Richard Escarlan kay P/Lt. Dennis De Jesus, hepe ng Manila Police District (MPD) Homicide Section, bandang 4:45 ng madaling araw, nakarinig ang isang barangay kagawad sa nasabing lugar ng tatlong putok ng baril mula sa kanilang tahanan.

Sa pangambang madamay hindi muna lumabas ng bahay ang kagawad at tinawagan niya ang isang barangay tanod na samahan siya na puntahan ang pinanggalingan ng mga putok.

Dito na nila na nakitang nakandusay at duguan ang wala nang buhay na biktima na may alyas na “Badjao”.

Dahil dito ang bangkay ay isinailalim sa awtopsiya sa Cruz Funeral Morgue habang patuloy na inaalam ang pagkakakilalan sa tumakas na suspek at kung may kaugnayan ito sa ilegal na droga.

AUTHOR PROFILE