Workers

Mga OFWs sa Taiwan

May 15, 2023 People's Tonight 250 views

KUNG anu-anong balita na ang naririnig natin tungkol sa away ng China at Taiwan na ikinababahala ng marami, partikular na yong mga kamag-anak ng mga kababayan natin sa isla.

Siyempre, sino ba ang hindi mag-alaala eh mahigit na 160,000 ang mga overseas Filipino worker (OFW) sa Taiwan, na karamihan ay mga babae na nagtatrabaho sa mga factory.

Pero wala pala tayong dapat ikabahala dahil ang sitwasyon doon ay “normal” at nakahanda ang gobyerno ng Taiwan para protektahan ang ating mga OFW sa nasabing isla.

Isa pa, naniniwala si Silvestre “Bebot” Bello III, ang hepe ng Manila Economic and Cultural Office (MECO), na “it is very remote” na magkaroon ng China-Taiwan confrontation.

“In Taiwan, everything is normal and, if in the remote possibility na magkaroon ng emergency situation…preparado ang Taiwan government,” sinabi ni Bello sa isang news forum dito.

Hindi lang para protektahan ng gobyerno ng Taiwan ang kanyang populasyon kundi pati na ang mga kababayan natin doon, partikular na ang mahigit 160,000 Filipino migrant workers.

Kamakailan nga ay nakipagpulong pa si Bello sa mga taga-Taiwan National Police Agency at Civil Defense Office na parehong nagsabi na protektado ang mga OFW sa kanilang bayan.

At sapat ang 89,000 shelters sa buong isla para i-accommodate ang 23 milyong Taiwanese, kasama na ang 160,000 OFWs, ayon pa kay Bello, dating DOLE secretary.

Maliban sa government-run shelters, lahat pala ng mga factory sa Taiwan ay may kanya-kanyang shelters para sa kanilang mga manggagawa, dagdag pa ng hepe ng MECO.

Ganoon pala kahanda ang gobyerno ng Taiwan para protektahan ang kanyang populasyon at mga dayuhang nagtatrabaho doon, kasama na ang mga OFW.

Pero walang mawawala sa atin kung gawin ng ating gobyerno ang lahat nang paraan para siguraduhin ang kaligtasan ng mga OFW sakaling magkaroon ng emergency sa Taiwan.

AUTHOR PROFILE