Default Thumbnail

Mga natatanging Malabonian pinarangalan sa 1st Gawad Tessie Aquino-Oreta

December 7, 2021 Edd Reyes 189 views

IPINAGKALOOB ng Pamahalaang Lungsod ng Malabon ang kauna-unahang Gawad Tessie Aquino-Oreta para sa “Natatanging Malabonian” ang iba’t ibang samahan, magulang, kabataan, at lingkod-bayan na Malabonian para sa kanilang natatanging kontribusyon sa pagpapalaganap ng galang at dignidad ng bawat pamilya sa lungsod.

Sa pangunguna nina Mayor Lenlen Oreta at Kaasenso Enzo Oreta, pinarangalan si Alma Telebrico, 61 ng Brgy. Concepcion bilang Natatanging Magulang, Maria Lina Punzalan, 60, ng Brgy. Tinajeros bilang Natatanging Lingkod-Bayan, Paolo Jay Cruz, 23 ng Brgy. Dampalit bilang Natatanging Kabataan at ang Samahan para sa Kaunlaran ng Catmon Gulayan Pangkabuhayan Project, Inc. bilang Natatanging Samahan na ginanap sa Tessie Aquino-Oreta (TAO) Hall ng City of Malabon University.

Matatandaang nagsilbing kinatawan ng Malabon-Navotas at senador ng bansa ang yumaong Tessie Aquino-Oreta na ina nina Mayor Lenlen Oreta at Kaasenso Enzo Oreta, at nagpanukala ng mga batas patungkol sa early childhood care and development, mga guro at pampublikong edukasyon, at mga solo parent.

“Sa pagiging mga finalist pa lamang para sa parangal na ito, ibig sabihin ay may mga natatangi kayong ambag sa ating komunidad kaya hanga ako sa inyo. Maraming salamat dahil narito kayo at ginawa ninyo ang lahat ng ito para sa Lungsod ng Malabon,” pahayag ni Mayor Lenlen Oreta sa kanyang pambungad na talumpati.

Inspirasyon naman para kay Kaasenso Enzo Oreta ang mga tumanggap ng parangal.

“Sobrang nai-inspire ako dahil sa mga awardees po natin dahil naipagpatuloy ninyo at nabigyan ninyo ng saysay ang nagawa ng aking ina. Sana mainspire pa natin ang kapwa natin kabataan, kapwa lingkod-bayan, kapwa magulang, at kapwa kasamahan na ipagpatuloy ang pagseserbisyo sa taumbayan,” pahayag naman ng nakababatang Oreta bilang pagtatapos ng programa.

Bukod sa plake ng pagkilala, tumanggap din ng mga premyo ang mga nanalo at mga nominado mula sa iba’t ibang katuwang ng Pamahalaang Lungsod ng Malabon at ng Gender and Development (GAD) Center para sa kanilang mga sakripisyo at kontribusyon sa Lungsod.

AUTHOR PROFILE