Default Thumbnail

Mga kunsintidor na Barangay Chairman, kakalusin

January 18, 2023 Edd Reyes 283 views

Edd ReyesPAGTALIMA lang ng mga opisyal ng barangay sa kautusan ang talagang susi upang mapanatiling malinis ang mga lansangan sa iba’t-ibang uri ng sagabal, hindi lamang sa Mabuhay Lanes, kundi maging sa iba pang kalsada sa Metro Manila.

Hindi kasi puwedeng balik-balikan na lamang ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at mga lokal na pamahalaan ang mga nilinis na nilang lansangan kaya responsibilidad na talaga ng mga Punong Barangay na mapanatiling maluwag ang mga kalyeng kanilang nasasakupan na nilinis na ng ahensiya para mabilis ang daloy ng mga sasakyan.

Kaya lang, hindi talaga kayang masustinihan ng mga opisyal ng barangay na maging malinis ang nasasakupan nilang lansangan, lalu na kung sila mismo ang gumagamit nito sa kanilang sariling pagnenegosyo.

Hindi naman kaila na maraming mga Barangay Chairman ang may sariling negosyo tulad ng motorshop, vulcanizing, tindahan at iba pa na sumasakop sa bangketa at kalsada.

Yung iba naman, mga kaanak, kumpare at malapit na kaibigan nila ang mga gumagamit ng bangketa at lansangan kaya hindi nila magawang sawayin ang mga ito.

Kaya kahit ano pang pagbabanta na sasampahan ng kasong administratibo ang gawin ng kinauukulan laban sa mga pasaway at kunsintidor na Kabesa ng barangay, baka wala ring epekto ito kung sa kalaunan ay magiging ningas-kugon lang ang clearing operation.

Nangyari na kasi ito nang sundan o gayain ng mga lokal na pamahalaan ang sinimulang clearing operation ni dating Manila Mayor Isko Moreno pero kalaunan ay mistulang naging ningas kugon na lamang.

Siguro, ngayong nakaupo na si Secretary Benhur Abalos sa DILG, at si Atty. Romando Artes sa MMDA, maganda ang magiging tambalan kaya marami ang umaasa na mayroon ng masampulan ng mga kunsintidor at pasayaw na Punong Barangay.

Si alyas Boy life lang ang buhay na buhay

BOY life kung bansagan pala ng maraming residente sa Kasiglahan Village sa Brgy. San Jose at Brgy. Geronimo sa bayan ng Rodriguez, Rizal ang isang kilalang ilegalista dahil sa pagmamalaki na marami siyang binubuhay sa ilegal na pagnenegosyo.

Tugmang-tugma naman talaga sa kanya ang bansag dahil kahit saang tingnang anggulo, buhay na buhay nga naman ang mga ilegal na pasugal niya sa dalawang barangay na sa gabi isinasagawa para hindi raw masyadong mapuna ng mga taga-munisipyo.

Kung tutuusin, totoo ang sinasabi nitong si alyas Boylife dahil marami siyang mga tauhan na binubuhay sa ilegal na paraan na silang nagsisilbing tagapagbantay upang mabilis din nilang maliligpit ang mga mesa ng sugalan kung sakali at magkaroon ng raid ang mga pulis.

Ginaya tuloy siya ng mga iba pang illegal gambling operators tulad nina alyas “Albert”, “Jess” “Rambo”, “Rommel” , “Perly” at “Tess” na naglatag ng kani-kanilang puwesto sa Marilaque Highway sa bayan ng Morong, Brgy. Bagumbayan sa Teresa, Brgy. Macamot sa Binangonan, Taytay Floodway sa Brgy. Sta Ana, Bagong Palengke sa Taytay, at Brgy Mambugan sa Sumulong Highway.

Pero kahit pa ipagmalaki ni Boylife na marami siyang binubuhay, ilegal pa rin ang kanyang negosyo at suma-total, siya lang talaga ang buhay na buhay sa kanyang ilegal na aktibidad.

Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa [email protected]

AUTHOR PROFILE