Mayora Ynares: LRT Antipolo Station bubuksan na sa July 2

June 28, 2021 People's Tonight 240 views

INAASAHANG magiging malaking tulong sa mga trabahador at ibang sumasakay sa Light Rail Transit 2, dahil inaasahang sisimulan na sa darating na Biyernes ang operasyon ng Antipolo Station nito.

Sinabi ni Antipolo City Mayor Andrea “Andeng” Ynares na nakatakdang pasinayaan sa darating na Huwebes, July 1 ang istasyon ng LRT 2 sa Antipolo, na dadaluhan ng mga matataas na opisyal mula sa Palasyo, sa Department of Transportation and Antipolo LGU.

“Tulad ng ating mga kababayan, excited na rin po tayo na maging operational na ang train project na ito na magpapabilis ng transporasyon papunta at pabalik ng Antipolo hanggang Maynila,” sabi ni Mayora Ynares.

Pero may paalala si Mayora Ynares.

“May kaunting pag-aalangan lang tayo sa pagbubukas nito dahil may mga tinatapos at may ongoing construction pa tulad ng Eastbound Exit Stairs papuntang Masinag intersection pati na din ang DOTr Traffic Management Plan katuwang ang iba’t ibang ahensya (LTFRB, atbp) at pribadong sector,” sinabi nito.

“Kaya naman ang ating pakiusap sa ating mga kababayan, mga PUV drivers at mga motorist, ay magbitbit ng pasensya sa pagbiyahe. Dahil sa New Normal, kailangan din po natin sumunod sa mga Health Protocols bukod sa mga batas trapiko,” sinabi ni Mayora Ynares.

Inaasahang makakatulong ito para mabawasan ang trapiko sa lugar lalo na sa bahagi ng Masinag sa Antipolo City.

Ipinagpaliban ang pagbubukas sana ng LRT Masinag Station noong June 23, pero inurong ni LRTA Administrator Reynaldo Berroya para makumpleto ang “signaling migration” at “integration” para matiyak na walang aberya.

AUTHOR PROFILE