Default Thumbnail

Mayor Honey, nilagdaan ordinansang nag-aamiyenda sa face mask mandate

September 15, 2022 Edd Reyes 214 views

NILAGDAAN na ni Manila Mayor Maria Sheila “Honey” Lacuna-Pangan ang ordinansang mag-a-amiyenda sa sapilitang pagsusuot ng face mask sa lahat ng pampublikong lugar sa Lungsod ng Maynila.

Sa kanyang special report nitong Huwebes na live na isinapubliko sa pamamagitan ng opisyal na Facebook page ng Manila City Public Information Office, sinabi ng alkalde na ang Ordinance No. 8901 na inakda ni Majority Floor Leader Ernesto Isip, Jr. at ipinasa ng mga miyembro ng Sangguniang Panlungsod sa pamumuno ni Vice Mayor Yul Servo Nieto ay ang batas na nag-amiyenda sa Ordinance No. 8627 – na nag-aatas sa lahat ng tao na magtutungo sa Lungsod ng Maynila na magsuot ng face mask.

Ayon kay Mayor Honey, ang inamiyendahang ordinansa ay alinsunod sa inilabas na Executive Order No. 3 ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na nagpapahintulot ng gawing boluntaryo na lamang pagsusuot ng face mask sa labas at mga lugar na may malawak na bentilasyon.

Sa ilalim ng Section 1 ng inamiyendahang ordinansa, magiging boluntaryo na lamang o puwede ng hindi magsuot ng face mask sa labas ng bahay o malawak na lugar bagama’t ang mga hindi pa nagpapabakuna, mga matatanda at mga may tinataglay na karamdaman o yung mga “immunocompromised individuals” ay hinihimok pa ring magsuot ng face mask at panatilihin ang physical distancing sa lahat ng oras.

Nakasaad pa sa naturang ordinansa na sapilitan pa rin ang pagsusuot ng face mask sa labas na may mga mataong lugar, sa mga pagdiriwang na hindi makasunod sa physical distancing at maging sa mga kapistahan, sa pista ng Mahal na Poong Nazareno, mga tianggehan, sa pagdiriwang ng Kapaskuhan na nakakapagdulot ng hawahan at iba pang katulad nito.

“Ang ibig sabihin lamang po nito ay pupuwede na po kayo na hindi gumamit ng face mask kung kayo po ay nasa labas, mayroon pong open spaces, provided po na hindi po ‘superspreader’ yung lugar tulad ng Quiapo Church at Divisoria kung saan dumadagsa ang ating mga kababayan lalong-lalo na ngayong darating na ang Kapaskuhan upang mamili. Ini-encourage po namin na sana gumamit pa rin po kayo ng face masks para na rin sa inyong proteksiyon,” sabi pa sa special report ng alkalde.

Nilinaw naman ni Mayor Honey na paiiralin pa rin ang sapilitang pagsusuot ng face mask sa loob ng mga pampubliko at pribadong tanggpan, gusali at establisyimento at maging sa mga pampublikong sasakyan na tumatahak sa lupa, sa karagatan at sa himpapawid.

Idinugtong pa ng alkalde na bagama’t boluntaryo na lamang ang pagsusuot ng face mask sa labas at maluwag na espasyo, hinihimok pa rin niya ang publiko na panatilihin pa rin ang pagsunod sa umiiral na panuntunan sa ilalim ng minimum health standards tulad ng physical distancing at palagiang paghuhugas ng kamay at maging maingat sa lahat ng oras dahil patuloy pa rin ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa Lungsod ng Maynila.

AUTHOR PROFILE