Lacuna1

Mayor Honey nagbigay ng paalala sa mga kandidato sa BSKE

October 18, 2023 Edd Reyes 324 views

PINAALALAHANAN ni Manila Mayor Maria Sheilah “Honey” Lacuna-Pangan ang lahat ng kandidato sa nalalapit na halalang pambarangay at Sangguniang Kabataan (SK) na pag-aralang mabuti at sundin ang mga panuntunang itinakda ng Commission on Election(Comelec) sa paraan ng pangangampanya.

Isinapubliko ni Mayor Lacuna-Pangan ang kanyang paalala bunga na rin ng pagsisimula ng campaign period sa araw ng Huwebes, Oktubre 19, upang tiyaking hindi malalabag ng mga tumatakbong Punong Barangay, Kagawad, SK Chairman at SK Kagawad ang mga inilatag na panuntunan ng Comelec para na rin sa kanilang kapakanan.

Kabilang sa mga mahahalagang panuntunan na dapat tandaan ng mga kandidato ay ang pagbabawal sa paglalagay ng mga tarpaulin o anumang campaign materials sa mga pampublikong lugar mula Oktubre 19 hanggang 28.

Ang ilan sa mga binanggit ng alkalde na pampublikong lugar ang mga electronic announcement boards na may LED display boards o LED monitors na pag-aari ng pamahalaan, paglalagay ng campaign materials sa mga sasakyang pag-aari ng gobyerno tulad halimbawa ng mga ambulansiya, patrol cars ng barangay at iba pang kauri nito.

Maging sa mga pampublikong sasakyan na kontrolado o pag-aari ng pamahalaan tulad ng Metro Rail Transit, Light Rail Transit, tren ng Philippine National Railways at iba pang uri ng pampublikong transportasyon ay hindi rin puwedeng lagyan ng campaign materials.

Hindi rin maaaring maglagay ang mga kandidato sa mga waiting shed, mga street lamp post o electrical post, mga pedestrian overpass at underpass, flyover, mga tulay, center islands, mga pampublikong paaralan barangay hall, at iba pang istrakturang itinayo ng lokal at pambansang pamahalaan.

Batay sa panuntunan ng Comelec, papahintulutan lamang ang paglalagay ng mga campaign materials sa itinakdang common poster areas at pribadong pag-aari ng indibiduwal na magbibigay ng pahintulot.

AUTHOR PROFILE