Phivolcs

Mayon walang tigil sa pagbuga ng lava

July 22, 2023 Zaida I. Delos Reyes 159 views

PATULOY sa dahan-dahang pagbubuga ng lava ang Bulkang Mayon sa loob ng 24-oras.

Batay sa update ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) nitong Sabado, ang dahan-dahang paglabas ng lava mula sa crater ng Mayon Volcano ay nagpupuno sa Mi-isi, Basud at Bonga gullies.

Ang lava flow sa Mi-isi gully ay nanatili sa 2.8 kilometro mula sa crater ng bulkan, habang nasa 600 meters naman ang agos ng lava sa Basud gully.

Nadagdagan naman ang lava na umaagos sa Bonga gully at umabot ito sa 2.7 kilometro.

“Rockfall and pyroclastic density currents or PDCs generated by collapses of the lava flow margins as well as of the summit dome deposited debris still within four (4) kilometers of the crater,” pahayag ng Phivolcs.

Dakong 7:56 ng gabi nitong Biyernes ay namataan ang pagbulwak ng lava na tumagal ng 28 segundo sa bunganga ng bulkan na sinabayan din ng seismic at infrasound signals.

Nakapagtala din ang Phivolcs ng 22 low frequency volcanic earthquakes kasama ang isang mabilis na paglabas ng lava at ashfall.

Bukod dito, mayroon ding apat na pyroclastic density currents at 175 rockfall events na naitala ang Mayon Volcano Network.

Umabot na rin sa 1,758 tonelada ng volcanic sulfur dioxide ang iniluwa ng bulkan nitong Biyernes.

“Alert Level 3 is maintained over Mayon Volcano, which means that it is currently in a relatively high level of unrest and hazardous eruption within weeks or even days could still be possible,” paliwanag ng Phivolcs.