RDRRMC

Bicol RDRRMC naka-red alert sa pananalasa ni ‘Egay’

July 22, 2023 Zaida I. Delos Reyes 212 views

NAKATAAS na sa red alert status ang Bicol Regional Disaster Risk Reduction and Management Council (RDRRMC) bilang paghahanda sa posibleng pananalasa ng Tropical Cyclone Egay.

Sinabi ni Office of the Civil Defense (OCD)-Bicol spokesperson Gremil Naz, inilagay ni OCD-Bicol Chief Claudio Yucot sa red alert status ang lahat ng disaster response agencies sa rehiyon simula nitong Biyernes.

Kabilang sa mga nakaalerto ang Department of Health at Department of Social Welfare and Development ng Bicol, Department of Information and Communications Technology -Southern Luzon Cluster, Police Regional Office 5 OCD-Bicol for logistics cluster, Joint Task Force Bicolandia at maging ang Department of Public Works and Highways at Department of the Interior and Local Government sa Bicol.

Magsasagawa rin aniya ng localized assessment sa Albay dahil lalo pang pinahirap ang sitwasyon sa lugar bunsod ng pag-aalburoto ng Bulkang Mayon, kung saan may banta rin ng panganib dahil sa posibleng pagragasa ng lahar.

Sa Sto. Domingo, Albay, aabot sa 300 pamilya ang ililikas sa Barangay San Isidro dahil sa banta ng lahar.

Sinabi ni Engr. Edgar Balidoy, municipal planning and development coordinator at head ng Mayon Volcano eruption operations center, ang mga evacuees ay nakatira sa Basud gully subalit nasa labas ng danger zone ng Mayon Volcano.

Sila aniya ay dadalhin sa mga itinalagang evacuation centers.

Ang mga evacuees na nagtayo naman ng pansamantalang tahanan ay dadalhin sa mga school buildings para sa kanilang kaligtasan.