Default Thumbnail

Maynila inilabas na March allowance ng PLM students

July 19, 2022 Edd Reyes 282 views

NAKATAKDANG tanggapin ng mga estudyante ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) ang kanilang buwanang allowance na P1,000 mula sa Pamahalaang Lungsod ng Maynila para sa buwan ng Marso at Abril, 2022.

Nilagdaan nina Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan at Vice Mayor John Marvin Yul Servo Nieto ang paglalabas ng kaukulang pondo para sa buwanang benepisyo ng mga estudyante sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP) for Students.

Sinabi ni PLM President Emmanuel Leyco na kasalukuyan ng minamadali ng Office of the Vice President for Finance and Management ng kanilang pamantasan ang paglilipat ng pondo sa Landbank of the Philippines cash cards ng mga estudyante at inaasahang sa lalung madaling panahon ay puwede na nila itong ma-withdraw.

Ang SAP for Students ay proyekto ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila na sinimulan sa panunungkulan ni dating Mayor Isko Moreno Domagoso matapos niyang lagdaan ang ordinansang ipinasa ng Sangguniang Panlungsod na pinangungunahan noon ni Vice Mayor Honey Lacuna-Pangan upang mapagkalooban ng P1,000 buwanang allowance ang mga estudyante ng PLM at Universidad de Manila (UDM) na pinatatakbo ng lokal na pamahalaan.

Sa ilalim ng naturang ordinansa, ang mga kuwalipikadong estudyante ay dapat na mapanatili ang kanilang mataas na grado, walang anumang masamang rekord at dapat ay naninirahan at rehistradong botante ng Maynila.

Kung ang estudyante ay menor-de-edad, ang kanyang magulang o guardian ay dapat na rehistradong botante sa lungsod para makuha ang allowance ng mag-aaral.

Sa kasalukuyan, inihayag ng PLM na pino-proseso na ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila ang allowance ng mga estudyante para naman sa buwan ng Mayo at Hunyo ng kasalukuyang taon.

AUTHOR PROFILE