Default Thumbnail

Mas mauna sana ang diborsyo

May 16, 2023 Paul M. Gutierrez 214 views

PaulNAGSIMULA nang umusad sa Kamara ang panukalang gawing legal ang civil partnership ng same sex couple. Binubuo na kasi ang isang technical working group (TWG) ng House committee on population and family relations para gawin itong legal.

Ito ay matapos aprubahan ni committee chairperson at Isable Rep. Ian Paul Dy ang naging mosyon ni BH party-list Rep. Bernadette Herrera na pagsamahin ang House Bill 1015 at House Bill 6782 ng isang TWG na pamumunuan ni Masbate Rep. Olga Kho. Ang HB 105 at HB 6782 ay inakda nina Herrera at Davao del Norte Rep. Pantaleon Alvarez.

Siyempre, magandang balita ito sa mga kababayan na natin na nasa ganitong uri ng relasyon at makikita natin na may ganitong presensya na sa ating lipunan. Pero syempre, hindi ganun kahayag kung ordinaryong tao ka maliban na lamang sa mga may pangalan sa lipunan.

Pero syempre, hindi pa rin ito nagkakaroon ng pagtanggap sa lipunan dahil wala pa ring legal na batayan ang pagsasama at ito nga ang nakikitang pag-asa ng mga kababayan natin na may ganitong klase ng relasyon o same sex couple nga kung tawagin.

Bagamat magandang balita ang pagkakaroon ng batas na magpoprotekta sa mga bagong magsasama ay mas nakikita rin natin na dapat may batas din na kikilala sa karapatan na mamiling magpasya ang mga mag-asawa kung mabuti pa bang ituloy ang kanilang pagsasama.

Opo, ang tinutukoy natin ay ang diborsyo. Dahil maliban sa tayo na lamang po at ang Vatican ang walang diborsyo sa buong mundo. Dahil na rin sa pagiging Sagrado natin sa pagiging Katoliko ay nagiging hadlang na rin ito sa maganda at mas matahimik na buhay para sa iba.

Dahil aminin na po natin na hindi lahat ng mga nagsasama o kinakasal ay nagiging maganda ang pagsasama o nagwo-workout ang kanilang buhay mag-asawa. Dahil sa tingin po natin ay nagiging counter-productive po sa lipunan ang mag-asawang hindi naman nagiging masaya sa kanilang pagsasama.

Ilang beses na po ba tayo na nakatanggap ng balita na may mga asawang binubugbog at sinasaktan pero hindi nila magawang hiwalayan dahil walang diborsyo dito sa bansa natin.

Ngayon ay tatanggap tayo ulit ng mga bagong magsasama kung maipapasa ang batas pero walang nagpoprotekta sa kanilang kung sakaling hindi naging maganda ang kanilang pagsasama.

Kaya naman po sa ganang atin ay hindi naman tayo tutol sa pag-usad ng panukalang batas na ito para sa mga same sex couple. Sa isang banda may nagagawa din po silang tulong lalo na sa mga pinapaampon na mga bata dahil iyon ang kanilang nagiging option.

Pero ganang atin po, sana kasabay nito ay mas mabigyan din ng daan ang diborsyo sa Pilipinas. Sa tingin po natin kung maipapasa ito ay mas marami ang makikinabang at matutuwa.

Nagbabago na po ang ating panahon at hindi na lamang dapat nakasandal tayo sa doktrina ng Simbahan sa tuwing nagpapasa tayo ng mga batas lalo na kung sa tingin natin ay makatutulong ito sa mga taong nakukulong sa mala-impeyernong pagsasama.

Sa totoo lang ang mga ganitong pagsasama ay pinagmumulan pa ng mga krimen. Na dapat sana kung naghiwalay na lang ay hindi na umaabot pa sa sakitan o sa mas malala ay patayan dahil sa nagkamali ng napangasawa.

Lahat naman po tayo ay nagkakamali sa buhay. Sana ay hayaan natin ang diborsyo na maging daan para maituwid ang pagkakamali. Kaya sa ganang atin lamang, mas mauna sanang maisabatas ang diborsyo.

AUTHOR PROFILE