Default Thumbnail

Mas mahigpit na regulasyon sa kampanya

December 17, 2021 Paul M. Gutierrez 269 views

PaulINANUNSIYO ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo M. Año na maglalabas ng guidelines ang DILG para sa mga aktibidad ng mga kandidato bago magsimula ang aktuwal na campaign period.

Sa kalendaryo ng Commission on Elections (Comelec) ay sa Pebrero 8, 2022 ang simula ng campaign period para sa mga kandidato sa national candidate at Marso 25 naman para sa mga lokal na kandidato.

Pero kapansin-pansin na ang kaliwa’t kanang motorcade ng mga kandidatong ito na bagama’t malinaw naman na porma ng pangangampanya subalit nalulusutan ang ganito dahil sa teknikalidad.

Gayunpaman, nais itong kontrolin ng (DILG) dahil sa maliban sa nagdudulot ito ng trapiko ay hindi rin umano nasusunod ang mga health protocols.

Isang magandang hakbang ito ng DILG upang masiguro na walang gaanong nape-perwisyo ang mga ganitong caravan at siyempre hindi muling lumaganap ang COVID-19 sa bansa.

May mga bansa kasi na muling tumaas ang mga kaso ng COVID-19, katulad ng South Korea at mga bansa sa Europa, kasama na ang US kahit pa nga bakunado na ang mayorya ng kanilang populasyon. Syempre ayaw natin itong mangyari sa ating bansa, partikular pa nga at may nakumpirma nang ‘Omicron variant’ ang DOH.

Kaya naman saludo talaga tayo sa liderato ni Sec. Año na iniisip ang kapakanan ng publiko sa ganitong mga aktibidad.

Alam niya kung ano ang mga nakakaperwisyo sa publiko. Malinaw na ginagawa niya ang kanyang trabaho.

Subalit kung titignan natin, hindi lamang ang mga ito ang dapat nating inaalala sa mga ganitong klase ng caravan.

Kaya nagtakda ng Comelec kung kailan lamang maaaring mangampanya ay para kahit paano ay maging patas ang eleksiyon sa bansa.

Maliban sa maagang napeperwisyo ang ating mga kababayan sa trapik na dulot ng mga political caravans.

Dahil alam naman natin na ang maagang nangangampanya ay iyong mga mayroong pinansiya para ma-sustain ang mahabang kampanya. Syempre tagilid ang mga kapos dito.

Sa esensya, hindi nagiging patas ang kampanya. Kumbaga sa karera ay may nauna nang tumakbo kahit na hindi pa nagsisimula ang karera.

Kaya naman mas marapat na magkaroon ng pagbabago sa mga ganitong porma ng pangangampanya dahil alam naman natin na pangangampanya ang esensya ng ganitong uri ng mga aktibidad.

Hindi lamang mga caravan kundi maging ang mga ads sa telebisyon at Internet.

Nakikita natin na inaabuso ang ganitong luwag sa mga kandidato. Iyan kasi ang pangit sa ugali ng mga Pilipino, kung may mailulusot ay ilulusot. Kung may maaabuso sa sistema ay aabusuhin. Sa madaling salita, masasabi nating isa itong uri ng panlalamang sa sistemang itinalaga para maging maayos ang pangangampanya.

Kailangan natin ng mas mahigpit na mga batas para dito. Hindi dapat hinahayaang abusuhing mabuti ang ating halalan.

Uulitin natin ang tanong: Kandidato pa lang abusado na, paano kung nanalo na?

AUTHOR PROFILE