Tolits

Maraming salamat, Tolits

August 31, 2021 Tess Lapuz-Lardizabal 993 views

tessSA aking pagkakaalam, tatlo lang ang naging dahilan ni Tolits upang gumising ng maaga araw-araw at kumayod ng mas matindi pa sa kalabaw. Ang makapagtrabaho sa Amerika upang makatikim ng ginhawa ang kanyang pamilya. Ang matuwa ang mga bosing sa trabaho niya. At magkaroon ng branded na rubber shoes.

Depende sa kung sino ang tumatawag si Angelito Joriza ay Tolits, Tolayts, Tolitz, Bads, Bading o Lito. Ngunit ano man ang itawag sa kanya ay palagi siyang masigla at nakangiting sumasagot ng, “Po.”

Mahirap pantayan ang kanyang dedikasyon sa trabaho. Ang kanyang tanging kaligayahan sa bawa’t magdaang araw ay mapasaya niya ang kanyang mga amo, mga katrabaho at lahat ng kanyang pinagsisilbihan.

Matinis ang kanyang boses at malambing. At impit ang kanyang mga halakhak. Parang isang mahinhing dalagita habang nililigawan. Ngunit sa isang kuray ay kaya niyang mag-switch at magboses-lalaki. Boses bouncer nga, biro ng marami. Ginagamit niya ito kapag kasama niya ang kanyang mga amo, mensahe niya na handa siyang ipagtanggol ang mga ito sa ano mang panganib sa boses na boses pa lamang.

Minsan nga ay kasama niya kaming mga editor papunta sa National Press Club upang bumoto. May nadaanan kaming harang at sinigawan niya ang tanod na tanggalin ito. Nang hindi tuminag ang tanod ay bumaba si Tolits. Sa malalim at nakakakilabot na boses ay sinabi niya sa bantay, “Mga editor mga kasama ko. Paraanin mo kami.”

Nanginginig na tinanggal ng bantay ang harang at pinaraan kami. Sa loob ng kotse ay balik hagikhik si Tolits na parang babae. “Nakaloko ka naman!,” sabi namin.

Dahil dito, lagi kong binibiro si Tolits, “M (male) ka ba o F (female)?” Ang madalian nyang sagot, “Pareho.”

Ngunit kahit anong biro mo o pagalit kay Tolits ay di siya napipikon. He respected authority. Lubos ang respeto niya sa mga nakatataas sa kanya. At wala siyang inisip kundi ang ma-impress sa kanya ang kanyang pinakamamahal na mga bosing. Sa labas ng trabaho ay pantay pantay na ang lahat. Walang amo. Walang utusan. Walang copy boy. Ngunit mararamdaman mo pa rin sa kanya na andun ang respeto.

Paalam Tolits. Mami- miss namin ang pagpasok mo na naka-wig na iba’t ibang kulay. O kaya naman ang mga dye ng buhok mo na umiikot sa ultra blonde, burgundy at black. Mami-miss namin ang mga pose mo ng GGSS. Hindi na namin mahuhulaan kung anong shade ng foundation mo kung ikaw ay magda-date.

Paalam, Tolits. Parang nawalan ang opisina ng isang makulit na bata. Wala nang magpapatawa sa opisina lahat ng oras, kahit alam namin na pasan mo ang daigdig sa dami ng responsibilidad mo sa opisina at sa pamilya mo. Wala na ring magsasalita ng bulol. Magte-text ng bulol. Mag-memessage ng bulol.

Paalam, Tolits. Lahat kami ay pinilay mo. Naninibago kami dahil sa isang iglap nawala iyung taong lagi naming mauutusan sa kahit anong bagay — Tolits, asan na mga kolum?; Tolits, bili ka ng kape; Tolits, paxerox mo ito; Tolits, kuha mo kami ng taxi; Tolits, bakit sira ang printer?; Tolits, this; Tolits, that.

Paalam, Tolits. Pasensya na at di ko natupad ang dalawa mong pangarap. Alam kong hindi lang ako ang hinilingan mo na kunin ka na na rin dito sa Amerika. Alam kong hindi lang ako ang hiningan mo ng branded shoes. Ngunit natitiyak ko na natupad mo ng higit pa sa pinangarap mo ang isa mong layunin sa buhay — ang matuwa ang mga pinaglilingkuran mo sa iyong trabaho.

Hindi lang natuwa sa ito ang mga bosing sa trabaho mo. Saludo pa nga ang lahat sa iyo.

Sa ngalan ng mga taong pinagsilbihan mo ng higit pa sa nararapat, sa ngalan ng opisina na minahal mo na parang pamilya, sa ngalan ng mga taong naantig mo sa iyong super kasipagan at sobrang kabaitan, at sa ngalan ng lahat ng binuksan mo ang mga mata na maaari palang maging masaya kahit walang karangyaan, maraming, maraming salamat.

Rest in peace, Tolits.

Para sa inyong mga komento at suhestiyon, mag-text sa 09178438487 o mag- email sa [email protected].