Default Thumbnail

Maraming ayaw sa 2 deputy commissioner sa BOC!

June 2, 2022 Marlon Purification 445 views

Marlon PurificationISA sa inaabangang puwesto na itatalaga ni incoming President Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. ay ang Bureau of Customs (BOC).

Aminin man kasi o hindi ng mga tao sa pantalan, BOC ang isa sa pinaka-juicy na posisyon sa pamahalaan.

Wala pa man ina-appoint si PBBM ay marami agad ang nagma-Marites (Mare Anong Latest).

Diumano, dalawang BoC deputy commissioners ay nangangarap ding maging BOC Commissioner.

Kung hindi naman nila makuha ang maging BOC chief, kahit i-retain na raw na lang daw sila sa kani-kanilang puwesto.

Karapatan ito ng dalawa dahil kahit sino naman ay nangangailangan ng trabaho. ‘Destiny’ na lang ang makakapagsabi kung mananatili pa sila sa pantalan o hindi.

Ang problema, marami agad ang nagsabi sa atin na karamihan sa mga BOC employees ngayon ay ayaw sa dalawang ito.

Galit din ang ilang BOC employees kasi kinakasangkapan daw umano ng dalawa ang isang maimpluwensiyang religious group.

Kung totoo ito, baka hindi lang mga BOC employees ang magalit sa kanila kundi ang maimpluwensiyang religious group mismo.

Wala tayong galit sa dalawa dahil hindi ko naman sila kilala nang personal.

Pero kung ako sa kanila, ngayon pa lang ay aayusin ko na ang mga isyung ipinupukol sa kanila.

Isa na rito ang pagkakasangkot umano nila sa P6.4 billion halaga ng shabu ini-smuggle sa bansa.

Sa pagkakaalam ko kasi, pareho silang pinangalanan ng isang Customs broker sa nasabing issue.

Bukod dito, may usap-usapan din na nasangkot din umano ang isa sa kanila hinggil sa smuggling ng mga imported na galunggong sa bansa.

Masakit ito hindi lamang sa ekonomya ng bansa kundi pa rin sa mga lokal na mangangalakal at kababayan nating mangingisda.

Ang isa pang gusto kong malaman ay gaano ba katotoo na paborito nitong importer ay ang T brothers.

Take note, hindi lang basta paborito raw ha, kundi super paborito.

Bakit ko nasabi ito?

Kasi ang singilan daw sa bawat 40-footer na kargamento ay nagkakahalaga ng P110,000 hanggang P120,000.

Pero kapag kargamento na nina T ay pumapayag umano ang isa sa kanila ng P80,000 kada isang container.

Kaya ang nangyayari, kabi-kabila ang dumarating na shipment ni T, habang ang iba ay paiyakan para lamang mapakiusapan ang nasabing deputy commissioner.

Dito sa isang deputy commissioner ay marami naman ang nagtatanong kung ano na ba ang nangyari sa kaso ng pambobomba sa mansiyon nito kamakailan.

Ano raw ba ang motibo nito at bakit tahimik ang kaso?

Gaano rin ba katotoo na iba’t ibang luxury cars daw ang nakita ng mga awtoridad sa garahe ni Deputy Commissioner?

At bago sila magalit sa atin, gusto kong linawin na bukas po ang pitak na ito para sa anumang comment, reaksiyon at puna ng dalawa.

Bibigyan ko rin po kayo ng buong espasyo, magbigay lamang ng side ninyo.

Samantala, sinabi ng ating source na ang mga detalyeng ganito ay ipinararating na rin sa BBM camp.

Handa raw kasi ang mga tumututol sa dalawa na iparating ang kanilang sumbong kay mismong Pangulong Bongbong Marcos.