Default Thumbnail

‘Manyak’ na helper na wanted sa Misamis Occ. huli sa Tondo

December 19, 2022 Jonjon Reyes 263 views

UMABOT sa halos siyam na taong nagtago sa batas ang isang 47-anyos na lalaki na may kinakaharap na kaso sa Misamis Occidental bago ito mahuli ng mga operatiba ng Manila Police District (MPD) Manila North Harbor Center, iniulat ng pulisya.

Ang suspek ay isa umanong helper, sa Manila North Harbor Center, Vitas, Barangay 128, Tondo, Maynila.

Ang helper ay may kasong acts of lasciviousness at paglabag sa Section 5(b) ng Republic Act (RA) 7610 sa kanyang nasabing lalawigan.

Base sa ulat ni Police Lieutenant Col. Rosalino Ibay Jr., commander ng MPD Raxabago Police Station 1, bandang 8:40 ng Linggo ng gabi, nang bitbitin ang suspek sa pinagtataguan nito.

Una nang humingi ng tulong si P/Lt. Rolando Yabo Cagas ng Lopez Jaena Misamis Occidental para sa ikadarakip ng suspek na itinuturing na “most wanted” sa kanilang lalawigan dahil sa diumanong pangmomolestiya nito sa menor de edad.

Iniutos agad ni Ibay kay P/Lt. Joseph Villafranca, hepe ng Warrant and Intel Section at sa ilan nitong mga tauhan na tulungan si Cagas na arestuhin ang suspek ng madiskumbre itong namamasukan sa Manila North Harbor Center.

Bitbit ng mga operatiba ang arrest warrant na inisyu ni Presiding Judge Edmundo P. Pintac ng Regional Trial Court (RTC), Branch 13 ng Oroquieta City na may petsang Abril 23, 2014 at may inirekomendang piyansang P180,000.

AUTHOR PROFILE