Default Thumbnail

Mayor Honey, VM Yul Servo, namahagi ng bigas sa mga kawani ng MTPB, DPS

December 19, 2022 Edd Reyes 220 views

PINANGUNAHAN nina Manila Mayor Maria Sheilah “Honey” Lacuna-Pangan at Vice Mayor John Marvin “Yul Servo” Nieto ang pamamahagi ng tig-limang kilong bigas sa mga kawani na nakatalaga sa Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) at Department of Public Service (DPS) Lunes ng umaga.

“Alam ko kung gaano kahirap ang ginagawa ninyo sa araw-araw kaya marapat lamang na kahit papaano, mabigyan namin kayo ng konting pasasalamat. Alam ninyo na hindi naman ganoon kayaman ang ating pamahalaan, pero mayaman po tayo sa kaibigan at sila ang tumutulong sa atin para mapasaya man lamang ang inyong pamilya,” pahayag ng alkalde sa mga kawani ng MTPB na nakatalaga sa pagsasaayos ng daloy ng trapiko sa lungsod.

Sinabihan din ng alkalde ang may 1,200 na mga traffic enforcers na magpasalamat kay MTPB Officer-in-Charge (OIC) Zenaida Viaje at sa kanyang asawang si Dennis Viaje, na gumawa ng lahat ng kanilang makakaya upang matulungan ang lokal na pamahalaan na makapagpamahagi ng limang kilong bigas sa mga kawani.

Pinaalalahanan din ni Mayor Honey ang mga traffic enforcers na gawin ng “wasto, tapat at maayos ang kanilang trabaho at huwag mabulid sa tukso para gumawa ng katiwalian.”

“Karespe-respeto kung ginagawa po ang tungkulin ng tapat at malinis, siyempre, hindi naman po maiiwasan na mayroon po tayong kasamahan na nalilihis ng landas pero mas marami naman po na kahit mahirap ay ginagawa ng maayos at tapat ang kanilang tungkulin,” dagdag pa ng alkalde.

Nanguna rin sina Mayor Lacuna-Pangan at Vice Mayor Yul Servo sa ginawa ring pamamahagi ng limang kilong bigas sa may 300 kawani ng DPS na nakatalaga sa paglilinis at paghahakot ng basura sa mga barangay at paglilinis ng look ng Maynila.

Nauna rito, ini-anunsiyo ni Mayor Lacuna-Pangan sa ginanap na regular na pagpupugay sa watawat ng Pilipinas tuwing araw ng Lunes na bukod sa Productivity Enhancement Incentive na nagkakahalaga ng P5,000 na ipinagkakaloob sa lahat ng mga kawani ng gobyerno, ang mga empleyado ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila ay nakatakda ring makatanggap ng karagdagang biyaya mula sa lokal na pamahalaan ng lungsod.

“Sa susunod na mga araw, mayroon pa rin po kayong matatanggap maliban po dito sa Productivity Enhancement Incentive. So, I hope masaya po ang lahat ng mga kawani ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila. Ang inyo pong pamahalaan ay sisikapin ang lahat sa abot ng aming makakaya upang makapag-celebrate kayo ng masayang Kapaskuhan, kasama ang inyong buong pamilya.Yan naman talaga ang diwa ng Pasko, ang pagmamahalan, pagbibigayan at kasiyahan,” pahayag ng alkalde sa mga kawani na hindi naitago ang kagalakan.

AUTHOR PROFILE