Default Thumbnail

Manila SP saludo sa karate-do, choir champions

June 10, 2023 Edd Reyes 210 views

BINIGYANG pagkilala sa pamamagitan ng ipinasang resolusyon ng Sangguniang Panlungsod (SP) sa pangunguna ni Vice Mayor John Marvin “Yul Servo” Nieto si Pearl Xandy Baoas at ang Los Cantantes de Manila bunga ng karangalang ibinigay nila sa bansa nang magwagi sa pandaigdigang kompetisyon.

Nakasaad sa resolusyon na inakda ni Konsehal Ruben “Doctor J” Buenaventura ng ikalawang distrito ng Tondo ang pagbati kay Baoas, na residente sa naturang distrito, sa kanyang pagwawagi ng medalyang ginto sa kategoryang Kumite at tanso sa Kata sa naganap na Formosa Cup Karate International Championship 2023 sa Ming Dao University sa Taiwan.

Sa naturan ding regular na sesyon nitong Hunyo 6, 2023, binigyang papuri rin ng Konseho ang Los Cantantes de Manila (LCDM), isang grupo ng mga kabataang estudyante at kabataang propesor na bumuo ng isang koro na pang-komunidad, na naka-grand slam sa ginanap kamakailan na 18th International Chamber Choir Competition sa Germany.

Kabilang sa mga nasungkit na parangal at premyo ng grupo ang mga sumusunod: Achievement Level I (excellent at an international level): First Prize for Mixed Choir Category; Special Prize for a particularly outstanding, characteristic vocal presentation (Priscilla Magdamo’s Day Baling Mingawa); Special Prize for the best interpretation of a romantic choral work (Anton Bruckner’s Christus Factus Est); at Publicumspreis (Public’s Choice Award).

Sinabi ni Vice Mayor Nieto na ang resolusyon ng pagkakaloob ng papuri ay inakda naman ni 3rd District Councilor Arlene “Maile” Atienza.

Ang Los Cantantes de Manila ay itinampok din bilang studio choir ng International Masterclass for Choral Conductor ngayong taon na dahilan upang umani ng pansin ng mga mamamahayag sa bansang Aleman.

AUTHOR PROFILE