Default Thumbnail

Mangingisda, 18-anyos na estudyante, sugatan sa pamamaril

February 21, 2022 Edd Reyes 378 views

NAVOTAS CITY – SUGATAN ang binatang mangingisda nang pagbabarilin ng hindi pa kilalang suspek habang tinamaan din ng ligaw ng bala ang 18-anyos na babaeng estudyante sa nangyaring insidente ng pamamaril, Linggo ng gabi sa Navotas City.

Kapwa nasa ligtas ng kalagayan sa Navotas City Hospital ang mga biktimang sina John John Jimenez, 19, ng E. Nadela St. Bgy. Tangos na tinamaan ng bala sa kaliwang bahagi ng dibdib at Rhealyn Cahutay, residente ng A. Cruz St., ng parehong barangay na nahagip naman ng ligaw na bala sa kaliwang balikat.

Sa ipinarating na ulat ni P/SSgt. Levi Salazar kay Navotas Police chief P/Col. Dexter Ollaging, naglalakad sa kahabaan ng Roldan St. Brgy. Tangos South si Jimenez dakong alas-7:30 ng gabi nang tutukan siya ng baril ng nakasalubong na lalaki.

Sa takot, nagtatakbo si Jimenez subalit hinabol siya ng suspek at sunod-sunod na pinaputukan hanggang mahagip sa kaliwang dibdib.

Inakala ng suspek na napuruhan niya ang biktima kaya’t kaagad na tumakas habang nasaksihan naman ni Cahutay ang pangyayari na nagkataong naglalakad din sa naturang lugar patungo sa isang tindahan hanggang mamalayan niyang may tama rin pala siya ng bala sa kaliwang balikat.

Sa ginawang pagsisiyasat ng pulisya, wala silang nakitang basyo ng bala sa lugar na pinangyarihan ng pamamaril at wala ring mga nakakabit na surveillance camera o CCTV na makakatulong sana sa pagkakakilanlan ng suspek.

Sinabi ni Col. Ollaging na inaalam pa ng pulisya ang motibo sa pamamaril habang nagsasagwa pa ng follow-up operation ang pulisya para sa pagkakakilanlan at posibleng pagdakip sa suspek.

AUTHOR PROFILE