Manggagawa sa Masbate tumanggap ng P43.2M tulong mula sa DOLE

September 14, 2021 People's Tonight 41 views

TUMANGGAP ng P43.2 milyong halaga ng tulong pangkabuhayan mula sa Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga manggagawa sa impormal na sektor sa lalawigan ng Masbate, kung saan ang ilan sa mga ito ay biktima ng bagyong Jolina, nitong nakaraang Setyembre 11.

May 3,600 manggagawa mula sa Masbate na nawalan ng trabaho, kabilang dito ang mga umuwing OFW at mga kabataang intern, ang tumanggap ng programang pangkabuhayan mula sa labor department, gaya ng DOLE Integrated Livelihood Program (DILP) na nagkakahalaga ng P3.3-M at Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) na umabot sa humigit-kumulang P34.8-M.

Sa pangunguna ni Labor Secretary Silvestre ‘Bebot’ Bello III, ipinagkaloob din ng DOLE Team ang P4.7-M bayad para sa mga benepisaryo ng Government Internship Program (GIP) at halos P240,000 tulong mula sa DOLE–AKAP para sa mga pamilya ng OFW.

Iginawad din ni Secretary Bello ang DOLE Safety Seal sa Masbate-based Filminera Resources Corporation at Philippine Gold Processing and Refining Corporation, dahil sa kanilang pagsunod sa mga pamantayan sa kalusugan at kaligtasan ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF – EID).

“Ang utos ng ating Pangulo, ang kuwarta ay para sa mga tao. Kaya, sa inyo ‘yung pera. Hindi n’yo utang sa akin yan, hindi n’yo utang yan sa DOLE. Iyan ay pera ninyo, dapat lang na mapunta sa inyo,” pahayag ni Bello sa mga benepisaryo kasabay ng pagpapaalala na ingatan nila ang matatanggap na tulong pangkabuhayan nula sa DOLE.

Kabilang sa binigyan ng DOLE ay mga piling bakunadong manggagawa na nakatanggap ng bisikleta na may kasamang kumpletong accessory at mobile phone sa ilalim ng DILP Bike-Cination Project.

Malugod na tinanggap si Secretary Bello, kasama sina Undersecretary Benjo Santos Benavidez, OWWA Administrator Hans Leo Cacdac, DOLE NCR Director Sarah Buena Mirasol, at BWSC Director Ma. Karina Perida-Trayvilla ng pamunuang lokal ng Masbate at ng DOLE Regions 5 sa pamumuno ni Director Ma. Zenaida Angara-Campita.

AUTHOR PROFILE