Default Thumbnail

‘Magulo ang mundo!’

October 26, 2023 Joey C. Papa 238 views

JoeyITO ang naging sagot ng isang kaibigan ko sa aking pangungumusta ko sa kanya sa pamamagitan ng text.

“Magulo ang mundo! Giyera dito, giyera doon! Magpapasko pa naman.”

Nakalimutan ng kaibigan ko na marami nang gulo sa mundo ang naganap nang hindi naman inaalintanan kung Pasko o Bagong Taon na.

Iba kasi ang nagaganap ngayong digmaan sa pagitan ng Israel at grupong Hamas na ipnaglalaban ang kasarinlan ng Palestine.

Ito ang tinutukoy ng kaibigan kong magulo ngayon sa mundo. Totoo naman.

Ngunit natatandaan ko na noong high school pa lang ako ay nagkaroon na ng sigalot sa pagitan ng Palestinian Liberation Organization (PLO) na pinamunuan ni Yasser Arafat at ng Israel.

Hindi tumigil noon ang paglaban ng PLO upang makamit ang pagkakaroon ng sariling bansa na ipinagkakait naman ng Israel.

Hindi nalutas ang isyung ito dahil malakas din ang suporta ng US at UK sa Israel na ayaw kilalanin ang Palestine na pagiging isang bansa nito. Lalong lumala ang sigalot.

Sa madaling sabi, tila nakuyom lamang ang problemang ito na panaka-naka’y sumasabog.

At nito ngang Oktubre ay tila hindi na nakapagtimpi ang mga Palestino at sumalakay na ang grupong Hamas sa Israel. Marami nang balita ang naiulat hinggil dito at hindi ko na dadagdagan ang sakit ng ulo ng kaibigan ko.

Isa pang masasabing kaguluhan sa mundo ay ang digmaan sa pagitan ng Russia at Ukraine.

Sa dalawang digmaan binanggit ko, libo-libong tao kasama ang mga bata at matanda ang nasawi na sa madugong bakbakang ito.

Sa tuwing makikita ko sa mga balitang pantelebisyon ang mga bata na akay-akay ng mga kapamilya nila, tinatamaan ako ng matinding pagkaawa sa kanila.

May kanya-kanyang dahilan ang mga digmaang nangyayari ngayon, ngunit hindi ito alam ng mga batang naghahanap ng paliwanag sa kanilang isip na di maglalaon ay sila rin ang nagiging biktima ng kalupitan ng isang digmaan.

Kailangang maipaliwanag ng mga sangkot sa digmaan ang dahilan ng kaguluhang ito upang kahit ‘yon man lamang ay makatulong sa mga tulirong isipan ng mga bata. Kahit anupaman ang dahilan, hindi nila ito kasalanan.

Ang mga bata ang kadalasang walang-malay na mga biktima sa isang digmaan. Ngunit may isang bahagi naman ng kuwento na kasama sa mga lumalaban para sa kanilang kalayaan ay mga bata na nauunawaan na ‘umano ang dahilan ng paghawak nila ng armas.

Sa ating bansa naman, patuloy ang panduduro ng Tsina sa ating mga barkong pandagat. Ang pinakahuli ay binangga na ang isang maliit na barkong magdadala ng supply sa BRP Sierra Madre.

Sinagi rin ng mga barkong Tsina ang isang barko ng Philippine Coast Guard.

Ang lumabas pa, sinabi ng tagpagsalita ng Tsina na nagpo-provoke daw ang Pilipinas dahil pumapasok ‘umano ang barkong Pinas sa kanilang karagatan!

Magulo nga sa mundo! Hindi na kailangan pang magpunta sa ibang bansang may digmaan upang maguluhan. Sa mga salita lang ng Tsina ay maguguluhan na tayo.

Kitang-kita sa mga kuha ng mga kasapi ng media kung sino ang nanduduro at nanlalamang kundi ang malalakingbarko ng Tsina, ngunit ang kinalalabasan nito ay ang Pilipnas ang kumilos ng mali sa pagpasok daw sa kanilang karagatan.

Nang ginawa ba ng Dakilang Lumikha ang mundo ay may titulo na ang Tsina sa West Philippine Sea? Ipakita nga nila!

Magulo na nga talaga ang mundo.

AUTHOR PROFILE