Mag-asawa pinagbabaril ng RIT sa QC, patay

July 21, 2021 Melnie Ragasa-limena 914 views

NASAWI ang volunteer ng Task Force Disiplina at misis nito makaraang pagbabarilin Quezon City, nitong Miyerkules ng hapon.

Ang mga biktima ay nakilalang sina Marlon Ornido, 51,tricycle driver, volunteer ng Task Force Disiplina at misis niyang Fe Ornido, 46, vendor, at kapwa naninirahan sa Block 3, Lot 12, champaca, Daisy Street, Bgy. Pasong Putik, Quezon City.

Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang alas-12:30 ng hapon (July 21) nang maganap ang krimen sa mismong tahanan ng mag-asawa sa Bgy. Pasong Putik.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ni PCpl Mark Philip Paule, magkasamang lumabas ang mag-asawa nang salubungin ng mga putok ng baril sa harap ng kanilang tahanan ng ‘riding-in-tandem’.

Ayon sa mga nakasaksi, nang makitang kapwa duguang bumagsak ang mag-asawa ay mabilis na tumakas ang mga suspek na parehong armado ng baril, nakasuot ng green shirt habang ang isa ay nakasuot ng itim na jacket.

Naisugod pa sa Commonwealth Hospital ang mag-asawa pero idineklarang dead-on-arrival bandang ala-1:05 ng hapon ni Dr. Noli L. Rifareal.

Masusi pang nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad sa motibo ng pamamaslang upang kilalanin ang mga nakatakas na salarin.