Fire

MAG-ASAWA, 3 ANAK DEDO SA SUNOG

April 4, 2023 Zaida I. Delos Reyes 1114 views

NAPALIGIRAN ang mag-asawa at tatlong paslit na mga anak ng mala-impiyernong apoy. Mistulang mga demonyong lumapit sa kanila ang malaking liyab upang lamunin sila ng buhay. Marahil ay nagdasal ang mga biktima na sana ay isang bangungot lamang ang kanilang hinaharap. Ngunit nauwi lang sa abo ang lahat.

Ang limang miyembro ng pamilya, kabilang ang tatlong menor de edad, ang nasawi matapos na masunog ang tatlong bahay nitong Lunes ng madaling araw sa Pozzorubio, Pangasinan.

Nakilala ang mga nasawi na sina Mark Villanueva, 34, asawa nitong si Dexie Ann, 34 at mga anak na sina Keziah , 1; Mackarie,2 at Mackenzie, 6, pawang mga residente ng naturang lugar.

Batay sa ulat na Bureau of Fire Protection (BFP) , nagsimula ang sunog sa tahanan ng mag-anak at mabilis na kumalat sa dalawa pang kabahayan.

Nakaligtas naman sa trahedya ang limang kasama sa bahay ng mga biktima.

Sa inisyal na ulat, naganap ang insidente dakong 12:01 a.m. at nagtagal ng halos tatlong oras.

Lumalabas na faulty electrical wiring ang sanhi ng sunog.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya upang bigyang linaw ang insidente.