Knife

Mag-ama talo sa basketball, nanaksak

January 18, 2024 Melnie Ragasa-limena 127 views

PINAGHAHANAP ngayon ng pulisya ang mag-ama na sumaksak umano sa isang 28-anyos na binata matapos na matalo sila sa basketaball sa Quezon City nitong Miyerkules ng hapon.

Kinilala ang biktima na si Jovit Corda Cerna, 28, binata at residente ng 9-A Republic Ave., Brgy Greater Fairview, Quezon City.

Patuloy pang tinutugis ang mga suspek na sina Juan Garado, at anak niyang si Raymond Garado, kapwa nakatira sa Sitio Sikap, Brgy Greater Fairview sa lungsod.

Sa report ng Quezon City Police District (QCPD) Fairview Police Station 5, bandang 4:30 ng hapon (January 17), nang maganap ang insidente sa Sitio Sikap, Brgy Greater Fairview, Quezon City.

Batay sa imbestigasyon ni PSMS Roderick B Mallanao, Lumalabas na magkatropa sina Raymond at Cerna sa basketball game.

Pero nang matalo sila sa laro, sinisi ni Raymond ang biktima hanggang sa magkaroon ng mainitang pagtatalo sa pagitan nila na humantong sa suntukan.

Habang nagsusuntukan ay dumating naman ang ama ni Raymond at sinaksak ang biktima upang saklolohan ang anak.

Nang makitang duguang nakahandusay ang biktima ay agad na tumakas ang mag-ama.

Nagpapagaling pa sa ospital ang biktima matapos na magtamo ng saksak sa tiyan.