Default Thumbnail

Madilim ang salubong ng 2024 sa Panay Island!

January 5, 2024 Paul M. Gutierrez 179 views

PaulMADILIM ang pasok ng 2024 para sa ating mga kababayan sa Panay Island. Sa pagpasok kasi ng Year of the Dragon, ilang araw nang nababalot sa dilim ang rehiyon dahil sa nararanasang blackout mula pa noong Enero 2.

Hindi ito karaniwan. Bakit ‘ka n’yo? Dangan kasi, hindi naman nakakagulat ang mga malawakang brownout dahil halos buong bansa ay nakakaranas nito.

Ang kakaiba dito, malamig pa ang panahon pero tila napaaga ang pagpasok ng summer season sa Isla ng Panay. Ang mga malawakang brownout ay karaniwan nagaganap tuwing panahon ng tag-init.

Siyempre, todo paliwanag dito ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na ang itinurong dahilan ng malawakang power interruption ay ang “unscheduled maintenance shutdowns” ng pinaka-malalaking power plants sa isla.

Ayon sa NGCP, dapat daw magkaroon ng mas mainam na “energy resource planning.” Wow!

Parang paulit-ulit na lang natin naririnig ang ganitong suhestiyon na solusyon tuwing may ganitong mga krisis, pero tila hindi naman maisakatuparan dahil hanggang ngayon, patuloy na nagaganap ang mga malawakang power interruption. At mabuti hindi pumalag sa paliwanag ang DOE at ang mga planta mismo ng kuryente? Ang alam kasi natin, lahat ng power producers, nagsusumite ng kanilang ‘maintenance schedule’ para nga maiwasan ang malawakang ‘power interruptions.’

Ano ang epekto ng umano’y unscheduled maintenance shutdowns?

Unang tinamaan ay ang mge negosyo at ekonomiya, kabilang na ang paghahatid ng mga pangunahing serbisyo sa tao. Ang pag-aaral ng mga bata ay apektado rin dahil nagsuspinde na nang pasok sa mga pampublikong paaralan. Mahirap din na walang supply ng kuryente sa mga ospital, pamilihan at mga kainan.

Isa sa mga umaray sa ilang araw na power interruption ay ang lungsod ng Iloilo, na nagsabing nasa P500-milyon kada araw o katumbas na tumataginting na P1.5-bilyon sa loob ng tatlong araw na blackout. “What a way to start the new year!” ayon kay Iloilo mayor Gerry Treñas.

Napag-alaman pa maraming beses nang na-delay ang planong improvement ng mga transmission lines, na kung naisagawa agad ay posibleng hindi danasin ang ganitong kalbaryo ng ating mga kababayan. Eh, teka, hindi ba… NGCP ang may responsibilidad dito?

Sa tuwing may mga ganitong kaganapan, isa lang ang sigurado! Na marami ang mananawagan at magsasagawa ng imbestigasyon. Pero sana, may magandang maging resulta ang mga gagawing pagdinig upang maiwasan na ang mga ganitong kaganapan, na lubhang nakakaapekto sa lahat ng sektor ng ating lipunan.

Matagal nang problema ang mga ganitong bagay, at sana ay maiwasan na ang mga ganitong hindi magandang kaganapan. Happy summer, este, Happy New Year Panay Island!

AUTHOR PROFILE