Default Thumbnail

Madala na tayo sa Dengvaxia

July 22, 2022 Paul M. Gutierrez 273 views

PaulDAHIL sa pagtaas ng kaso ng Dengue sa bansa, muling pinanawagan na pag-aralan ang paggamit ng Dengvaxia para sa pagpapabakuna laban dito. Sinasabi na po natin, magsasayang lpera ang gobyerno dyan dahil walang magpapabakuna ng Dengvaxia.

Ito ang dahilan kung bakit nahirapan ang dating administrasyong Duterte para mabakunahan ang mamamayan sa COVID 19 dahil sa iskandalong ginawa ng Dengvaxia. Halos noong una ay walang nais magpabakuna laban sa Covid dahil sa takot na maaaring sapitin gaya ng Dengvaxia.

Ang totoo pati ibang bakuna gaya ng laban sa tigdas, polio at iba ay bumaba dahil sa takot sa bakuna. Ganyan kalala ang nagawang pinsala ng Dengvaxia sa tiwala ng mga Pilipino.

Hindi po basta-basta makakalimutan ng mga Pilipino na sa pagnanais na kumita ng Dengvaxia o Sanofi sa bansa para sa kanilang bakuna, hindi po nila sinabi na kung sino lamang ang dapat na mabakunahan nito o kung ano ang kumplikasyong maaaring matanggap ng mga mababakunahan nito.

Ang resulta, may mga namatay at ang itinuturong dahilan ay walang iba kundi ang Dengvaxia. Kaya naman nagkaroon ng malaking imbestigasyon dito kung saan ang itinurong ‘guilty’ ay si ex-DOH secretary Janette Garin, ang bosing sa DOH noong termino ni Pang. Noynoy.

Kung nais pag-usapan muli na gamitin ang Dengvaxia ay nagsasayang lamang po tayo oras at pera dahil wala pong Pilipino ang mangangahas na magpabakuna niyan. Kaya mas mainam po na maghanap ng ibang alternatibo sa Dengvaxia.

Totoo pong nakakaalarma muli ang pagtaas ng bilang ng mga tinatamaan ng dengue. Ayon nga sa ulat ng Department of Health, umabot sa 90 porsiyento ang pagtaas ng mga nagka-dengue, kumpara noong nakaraang taon. Nasa nasa halos 64,700 ang tinatamaan at 270 na ang nasasawi dito ngayong taon. Halos buong bansa ay talagang tinamaan nito na 15 sa 17 rehiyon ang may pagtaas ng mga kaso ng dengue.

May pangangailangan po talagang maalarma sa ganitong pangyayari. At tulad sa COVID, ang isa sa pinakamagagawa nating solusyon laban sa dengue ay pagbabakuna.

Sa ngayon po nakikita natin na unti-unting naibabalik na ang tiwala sa bakuna. Malaking bahagi na ng ating populasyon ang nabakunahan kontra COVID-19. Kung magkakaroon po ng mas magandang bakuna mula sa mga mapagkakatiwalaang brand o kumpanya, tiyak po tayo na mas maeenganyo ang mga Pilipino na mabakunahan.

Uulitin natin. Wala pong magtitiwala muli sa Dengvaxia at hindi po natin masisisi ang mga Pilipino dito. Karapatan po nilang tumanggi dahil kalusugan o buhay nila ang nakataya dito.

Hindi na po basta-basta maibabalik ng mga Pilipino ang kanilang pagtitiwala sa Dengvaxia. Mas mainam na humanap na lang ng ibang bakuna. Hindi ito gugustuhin ng mga Pilipino, period.

AUTHOR PROFILE