Default Thumbnail

Balik-eskuwela na kahit may COVID pa

July 22, 2022 Allan L. Encarnacion 235 views

Allan EncarnacionWALA na dapat kumokontra sa desisyon ng gobyerno na pabalikin na sa mga paaralan ang ating mga estudyante.

Sa ayaw at sa gusto natin, kailangan na tayong mabuhay kasama ng COVID virus basta susunod lamang sa minimum health protocol.

Iyong dalawang taong online classes ay nagdulot ng matinding pagbagsak ng kalidad ng edukasyon at kalidad ng mga estudyante.

Alam natin kung saan humuhugot ng pasya ang pamahalaan kung bakit dapat na nating pabalikin sa mga paaralan ang mga bata.

May mga pag-aaral na kung hindi tayo babalik sa mga silid-aralan, masyadong hihina ang mga produkto o mga batang magiging graduates natin sa mga susunod na taon. Ano ang ibig sabihin nito? Simple lang, hihina ang ating mga graduates, hihina ang mga ating mga magiging work force.

Kahit anong bilis pa ng internet, kahit gaano pa kalinaw ang digital gadgets, hindi pa rin nito matatapatan ang face to face classes. Nawala ang intimate discussion at nawala ang actual interaction ng guro at mga mag-aaral. Isipin nyo na lang kung ano ang mangyayari kapag naghasa ka ng kutsilyo gamit ang online module. Mananatili siyang mapurol!

Ano ba ang end game kapag ipinilit natin ang online classes? Iyong paghina ng mga graduates at paghina ng mga work force ay magreresulta ng paghina ng ating ekonomiya sa kalaunan.

Bukod sa benepisyo ng face to face learning process, maibabalik din natin ang socialization ng ating mga estudyante. Sa nakaraang dalawang taon, ang daming batang nagmistulang mga ibon na takot sa tao. Hindi na makapagsalita kapag iba ang kaharap, gusto lang kasama ang miyembro ng pamilya.

Marami namang bata ang hindi na mautusan dahil puro wait lang ang maririnig mo kapag iyong inutusan dahil nakadikit na sa mukha ang kanilang mga gadgets! Hindi na rin sila makasunod sa simpleng instruction kapag inuutusan mo kaya talagang hahanapin na rin ng mga magulang na makabalik sila paaralan. Masyadong dumadami ang mga bano sa online classes sanhi ng covid na yan kaya kailanga nating gumalaw, sumayaw at makipagtalastasan kasama ang virus.

Bumaba na nga ang literacy rate nating ngayong millennial age at digital era kung ikukumpara noong dekada 60 hanggang 90, lalo pang pinahina ng online classes.

Back to normal na tayong lahat kahit abnormal pa ang sitwasyon ng covid kung gusto nating palakasin ang future generations na magiging bahagi ng ating nation building.

Nakakamiss na rin ang sopas at turon sa canteen, lalo na iyong kaklase kong crush na crush ko pero hindi pa niya alam!

Let’s go back to school kids.

[email protected]