Bonoan

Mababaw na riverbeds ugat ng pagbaha sa Bulacan, Pampanga

August 4, 2023 Zaida I. Delos Reyes 220 views

ANG mababaw na riverbeds na halos 15 taon nang hindi naaaksyunan ang tinuturong na dahilan ni Department of Public Works and Highways Secretary Manuel Bonoan sa malawakang pagbaha sa Pampanga at Bulacan.

Sa sitwasyon aniya ng Pampanga river, napakababaw na ng riverbeds kaya hindi nakayanan ang ulan na nauwi sa malawakang pagbaha.

Mas malala rin ang sitwasyon ng Bulacan dahil halos sisimulan pa lang ang de-siltation ng mga ilog sa lugar kumpara sa Pampanga na mayroong flood control program na maa-ari nang maramdaman ang tulong sa susunod na taon.

Ipinangako ng kalihim sa sa sandaling humupa ang pagbaha sisimulan na ang dredging at pagdede-silt ng mga ilog sa lugar upang hindi na maulit ang malawakang pagbaha sa Luzon.

“Ang programa namin dito is kailangan na de-silt, i-dredge yung mga main rivers d’yan sa may Bulacan o kaya sa Pampanga area.

Lalaliman natin para yung carrying capacity nila ‘pag ganyang malalakas na ulan, mas madaling dumaloy ang tubig-baha,” pahayag ng kalihim.

Idinagdag pa ng kalihim na kailangan nila ang tulong mula sa local government at environment department upang mapalakas ang reforestation program.

“Yung erosion from the mountain slopes dito sa may Bulacan area ay very loose na.

Siyempre yung erosion ng lupa d’yan pumupunta sa ilog, kaya [bumababaw] rin talaga yung riverbeds,” paliwanag pa ni Bonoan.