Default Thumbnail

2 kadete guilty sa hazing

August 4, 2023 Zaida I. Delos Reyes 242 views

DALAWANG kadete ng Philippine Military Academy (PMA) ang napatunayang guilty sa kasong slight physical injuries kaugnay ng pagkamatay sa hazing ni 4th Class Cadet Darwin Dormitorio noong Setyembre 2019.

Nakilala ang mga hinatulan na sina Cadet 3rd Class Julius Carlo Tadena at Cadet 2nd Class Christian Zacarias.

Sa desisyon na inilabas ni Baguio Municipal Trial Court Branch 1 Presiding Judge Roberto A. Mabalot, hinatulan niya ang dalawa na mabilanggo ng 30 araw.

Pinagbabayad din ng korte ang dalawa ng halagang P100,000 sa pamilya ni Dormitorio at P50,000 na attorneys fee.

Matatandaang ang biktimang si Dormitorio, 20-anyos, ay natagpuang walang malay sa isang silid sa PMA Mayo Hall sa Fort del Pilar noong Setyembre 17, 2019.

Naisugod ang biktima sa pagamutan subalit nasawi rin kinabukasan.

Sa otopsiya ng biktima, lumabas na blunt force trauma ang ikinasawi nito at napatunayan din sa imbestigasyon na siya ay biktima ng hazing at iba pang pagma-maltrato.

Apat na kadete ang kinasuhan dahil sa pagkamatay ni Dormitorio, kabilang sa mga ito sina Cadets Third Class Shalimar Imperial Jr., Felix Lumbag Jr., John Vincent Manalo at Rey David John Volante.

Kinasuhan din sina Capt. Flor Apple Apostle, Major Maria Ofelia Beloy at Ceasar Candelaria dahil sa kabiguan ng mga ito na magbigay ng pangangalagang medical sa biktima na naging sanhi ng kanyang pagkamatay.

Gayunman, inabswelto ng korte sina Apostol, Beloy at Candelaria sa kasong reckless imprudence resulting in homicide.