Lovi1

Lovi umuwi ng Pilipinas para magluksa sa alagang aso

February 28, 2024 Eugene E. Asis 120 views

LoviDUMALAW sa Pilipinas ang rising Hollywood star na si Lovi Poe pero kailangan na niyang bumalik ngayong araw (February 29) sa Los Angeles sa Amerika kung saan siya nakabase.

Umuwi lang siya para sa kanyang maysakit na alagang aso, isang shitzu na nagngangalang Phoebe. Seventeen years old na ito at nagkaroon ng cancer. Ayon sa kanyang veterinarian, kinailangan nang ‘matulog’ nang tuluyan ang aso upang hindi na mahirapan.

“Seventeen years ko na kasama si Phoebe so parang nandoon talaga siya sa bawa’t stage ng life ko,” ayon kay Lovi habang umiiyak nang makausap ng ilang entertainment writers sa Supersam sa Quezon City. “Okay na siya noong umalis ako and then pag-uwi ko nagde-deteriorate na siya. That’s the reason why I came back to spend time with her (Phoebe).”

Sa ngayon, may isa pa siyang aso, isang maltese na si Senor, na balak niyang dalhin sa US.

Dalawang araw siyang nagluksa dahil kay Phoebe.

Pagkatapos, para kahit paano ay mawala ang lungkot, umakyat siya sa Baguio para makisaya sa Penagbenga Festival. Sakay ng float ng SCD Skin products, tuwang-tuwa ang fans habang kumakaway siyang nakangiti. Nagkaroon din siya ng meeting kasama ang mga partner at distributors ng SCD products doon.

Pagbalik sa Maynila, nakipag-meeting naman siya sa mga boss at partners ng Ready Set Glow Cosmetics.

Uuwi muna siya ng Amerika para makasama ang mister na si Monty Blencowe, isang British film prioducer, pero babalik din ng Maynila kapag handa na siyang mag-shoot para sa kanyang dalawang pelikula sa ilalim ng Regal Entertainment. Ang isa, na may titulong ‘The Untamed’ ay isang action movie. “Matagal ko nang gustong maging action star,” ayon kay Lovi na tila gustong sundan ang yapak ng ama, ang namayapang action king na si Fernando Poe, Jr.

Nagtayo na rin ng sariling film outfit si Lovi, ang C’est Lovi Productions. Sa ngayon ay inihahanda na niya, kasama ang isang international partner, para sa kanyang unang ipo-produce na pelikula, ang ‘The Sacrifice’ kung saan siya ang gaganap sa lead role, kasama ang ilang local and international cast.

Sa Hollywood, natapos na niya ang independent film na ‘Bad Man’ na dinirek ni Michael Diliberti. Nakasama rin siya sa ‘The Chelsea Cowboy’ at ‘My Sister’s Bones’ na hindi pa ipinalalabas.

Patuloy pa rin siyang naga-audition para sa iba’t ibang papel sa Hollywood, pero sumusumpang hindi niya iiwan ang pelikulang Pilipino. In fact, gusto niyang makatulong sa local cinema bilang isang producer, artista at manunulat.

AUTHOR PROFILE