Lolit Larawan mula sa IG/@akosilolitsolis

Lolit Solis kay Cristy Fermin: ‘Kung sa akin ka galit, sabihin mo’

November 24, 2023 People's Tonight 347 views

NAIS linawin ng beteranang showbiz columnist na si Lolit Solis kung mayroon bang galit ang kapwa niya kolumnista na si Cristy Fermin sa kanya.

Sa isang Instagram post nitong Huwebes, Nobyembre 23, naglabas ng saloobin si Lolit patungkol sa ginagawang pag-atake ni Cristy sa kanyang mga alaga kabilang na sina Paolo Contis at Lorna Tolentino.

“Alam mo ba Salve na gusto ko tanungin si Cristy Fermin kung galit siya sa akin. Kasi nga parang mga alaga ko ang gusto niyang laging ginagawang punching bag. Nuon una, si Paolo Contis. Ngayon naman si Lorna Tolentino,” saad niya.

Kuwento rin ni Lolit na wala siyang galit kay Cristy pero kung galit daw ito sa kanya ay sabihin nito ng diretsahan sa kanya at huwag ipukol sa kanyang mga alaga.

“Basta ako walang galit kay Cristy Fermin, pero kung may galit siya sa akin wala na akong magagawa, kanyang opinyon iyon siya ang bahala. Ayoko makialam sa anuman nasa isip at damdamin niya. Naawa lang ako sa mga alaga ko na nagiging punching bag dahil sa akin,” wika ni Lolit.

“Kung sa akin ka galit, sabihin mo, huwag idamay ang iba. Kawawa naman sila kung kasalanan ko tapos sila ang napaparusahan. Unfair naman di bah!” aniya pa.

AUTHOR PROFILE