MRT Ang tren ng MRT na sinalubong ng babae sa Quezon Avenue Station. Litrato courtesy ng MRT3

LOLA TUMALON SA PARATING NA MRT TRAIN, DEDO

April 12, 2023 Melnie Ragasa-limena 2023 views

PATAY ang isang 74 taong gulang na ginang matapos umanong tumalon sa paparating na tren ng MRT nitong Miyerkules ng unaga.

Idineklarang dead on arrival ang biktima sa East Avenue Medical Center matapos magtamo ng grabeng pinsala sa ulo at katawan.

Sa report ng Kamuning Police Station 10 nangyari ang insidente bandang 11:58 a.m. April 12, 2023 sa Railway flatform ng MRT 3, southbound EDSA corner Quezon Avenue, Brgy. South Triangle, Quezon City

Ayon sa mga guwardiya ng MRT na sina Regielyn Cayetano at Margie Naelon, nagmamando sila ng mga pasahero sa nasabing train station nang my lumapit na isang pasahero at sinabing may tumalon na babae sa paparating na tren.

Agad na dumating ang Lifeline Arrows ambulance service at dinala ang biktima sa EAMC ngunit binawian ito ng buhay bandang 2:20 p.m.

Naantala ang serbisyo ng Metro Rail Transit 3 dahil sa insidente, ayon sa management.

Sa official report ni MRT3 Jorjette B. Aquino, Assistant Secretary for Railways and MRT 3 Officer-in-Charge, nagpatupad ng provisional na serbisyo ang management 12:03 ng tanghali matapos tumalon ang nasabing lola.

Ang naapektuhang biyahe ay ang southbound train at ang Quezon Avenue Station, ayon sa MRT3 management.

Ayon kay Aquino, sa pagtutulungan ng lahat ng empleyado ng MRT3, mabilis na-rescue ang babae at nabigyan ng first aid ng Lifeline Arrows Ambulance service personnel 12:54.

Ayon kay Aquino 1:20 ng hapon nagbalik na sa normal na serbisyo ang MRT3. Kaugnay nito humingi ng paumanhin si Aquino sa mga pasahero ng MRT3 sa pagkakaantala ng serbisyo dahil sa aksidente. Nina MELNIE RAGASA-JIMENA & JUN I. LEGASPI