PS15

PAARALAN SA QC MAY BOMB THREAT!

April 12, 2023 Melnie Ragasa-limena 320 views

SINUSPINDE ang klase sa isang paaralan sa Quezon City matapos makatanggap ng bomb threat sa kanilang social media account nitong Miyerkules ng umaga.

Sa report ng Project 6 Police Station 15 ng Quezon City Police Distirct (QCPD), nasuspinde ang klase sa Pugad Lawin High School na matatagpuan sa Seminary Road, Brgy. Bahay Toro, Project 8, Quezon City nang makatanggap ng bomb threat bandang 8 a.m. (April 12, 2023).

Batay sa inisyal na imbestigasyon, nabasa umano ni Raymond Pabas, isang guro sa nasabing paaralan ang malisyosong comment sa social media tungkol sa bomb threat sa nasabing school. Isang comment ang may nakalagay na “PUGAD LAWIN BOMBING”.

Dahil dito ay agad na ipinagbigay alam ng mga guro sa kanilang principal ang natanggap na bomb threat, na siya namang nagreport sa mga awtoridad.

Agad nagreponde ang mga operatiba ng Project 6 Police Station 15 at matapos na suyurin ang buong paaralan ay wala namang natagpuang pampasabog.

Gayunman, masusi pa ring nagsasagawa ng imbestigasyon sa naturang insidente upang mabatid kung sino ang nagpakalat ng bomb threat sa paaralan.