Default Thumbnail

Lima singkong survey results

January 10, 2022 Allan L. Encarnacion 747 views

Allan EncarnacionBUKOD sa mga bangketang political PR, lima singko na rin ngayon ang mga political surveys na ginagamit ng kung sinu-sinong kandidatong kinukumbinsi ang kanilang mga sarili na leading na sila all the way to May 9 polls.

Parang mga gremlins ang mga survey group na maambunan lang ng election droplets, naglalabasan na silang lahat at mas marami.

Ang problema, may ibang pulitiko na “willing victim” ng mga bogus surveys para pasayahin lang ang kanilang sarili. May iba naman, “unwilling victim” pero dahil lumalapag sa kanilang harapan ang mga minasaheng detalye, ginagamit na rin nila ito bilang propaganda.

Isa sa hindi natin makalimutang survey noong 2019 election ay nangyari sa Quezon City. Ang magkalaban noon ay sina dating Vice Mayor Joy Belmonte at dating Congressman Bingbong Crisologo.

Hindi naman natin masisi si Bingbong dahil pinaniwala siya ng survey group na 63% na siya at si Joy ay 12% lang kaya mas lalong naging agresibo ang kanilang kampo. Malupit din ang convincing power ng survey group, nagtira pa ng 25% undecided, hindi pa ibinigay lahat kay Bingbong noong mga panahong iyon.

Nang matapos ang eleksiyon, ang boto ni Joy ay 469, 480 samantalang kay Bingbong ay 366,000.

Ngayon, may mga inilalabas na namang survey ang same group na bumilog kay Bingbong, lamang na naman daw si Mike Defensor laban kay incumbent Mayor Joy. 51% daw si Mike, si Joy naman 32%.

Pero iyong December 2021 surveys ng mga legitimate research company, sinasabing aabot pa sa 72% ang makukuhang boto ni Joy samantalang 11% lang ang kay Mike, 5% walang pakialam, 8% wala pang desisyon.

Katulad ni Bingbong noong 2019, agresibo na naman sila Mike, naniniwala na naman sila sa grupo na nag-predict at naglabas na survey sa Davao City na tatalunin ng mga Nograles ang mga Duterte sa mga nakaraang eleksiyon.

Ang grupo rin na ito ay naglabas ng survey na mananalo si former MMDA Chairman Bayani Fernando bilang Presidente kung tumakbo noong 2010. Kumandidatong VP si Bayani pero 4th ang ranking nang matapos ang eleksiyon.

Parang natatandaan ko, same group din ang naglabas ng survey noon na runaway winner si former Speaker Joe De Venecia sa 1998 election pero alam natin ang naging resulta, inilampaso lahat ni Erap ang kanyang mga nakalaban noong mga panahong iyon.

Kung ganoon pala, alam na this!