Regulasyon sa online news media
KAHAPON ay nakasama tayo, bilang pangulo ng National Press Club (NPC), sa paunang diskusyon hinggil sa operasyon ng ‘online broadcast media’ sa bansa, sa pangunguna ng Philippine Online Broadcasting Association (POBA) ni kasamang Errol Dacame, at kung paano ito mabibigyan ng gabay at tamang direksyon.
Natatandaan natin na ating kaibigan na si DILG Secretary Ed Año, ang unang “nagpaalala” sa atin, higit 4-taon na ang nakaraan, na sa pagdating ng ‘Age of the Internet’ at ‘Worldwide Web,’ “sumibol” na ang ‘Quad Media,’ kontra sa “tradisyunal” na ‘Tri-Media’ (print, radio television).
At totoo naman, sa ngayon, kahit “sino” na lang, “puwede” nang “reporter” o “broadcast journalist” gamit ang kanilang mga ‘smartphones’ at mga simpleng electronic gadgets upang makapag-report sa social media.
Sa ganitong sitwasyon natin ngayon, mahalaga ang ipinakitang inisyatiba ng POBA— sadyang kailangan nang “salain” ang mga nag-aambisyon na matawag silang “member of the press,” “broadcast journalist” o kaya naman ay “reporter.”
Aber, kahit sa mga tri-media/mainstream media, ‘sandamakmak ang mga “pasaway” at “ogags,” sa social media pa kaya na kahit ang gobyerno, hindi alam kung “sino” sa mga ahensiya nito ang dapat magkaroon ng ‘oversight function’ sa online news/broadcast media.
Ang MTRCB/VRB ba? Ang National Privacy Commission (NPC)? Ang Department of Information and Communications Technology (DICT)? Ang National Telecommunications Commission (NTC) ba? Sino? Walang makasagot hanggang ngayon, mga kabayan.
Kahit kasi sa gobyerno, hindi “magkasundo” kung sinong ahensiya ang “babalikat” sa mabigat at kumplikadong problemang ito.
Hindi tuloy tayo nagtataka na sa “pinaka” na mga “abusado” sa social media—ang Facebook, aba’y tuloy lang sa kanilang pambabastos sa mga Pinoy, huhuhu!
Katulad ng “masaklap” na karanasan ni PCOO Usec. Lorraine Badoy, dear readers. Alam ba ninyong may 10-beses, as in “10 times” nang “blocked” ng FB ang kanyang account na hanggang ngayon ay hindi pa niya nagagamit?
Anong karapatan ng FB na alisan ng karapatang magpahayag ng kanyang pananaw si Usec. Lorraine na “garantisado” ng ating Saligang Batas?
At “bawal” pala sa FB na kondenahin ang CPP-NPA katulad ng mga ‘post’ ni Usec. Lorraine—kaya pala siya ‘blocked,’ pero, “okay lang” na wasakin ang imahe ng Pilipinas na ginagawa ng mga galamay ng CPP-NPA—at pinapayagan lang ng FB.
Palagay ba ng FB mas ‘sovereign’ pa ito sa Republika at Gobyerno ng Pilipinas?
Oh well, ilan lang ito sa mga problemang kakaharapin ngayon ng POBA na harinawang mabigyan nila ng solusyon.
Makaaasa ang POBA nang buo at matibay na suporta mula sa hanay ng matitino at responsableng media organizations sa bansa katulad ng NPC, KBP at PAPI.
Hangad ko ang inyong tagumpay.
And may your tribe increase!