Crime

Lalaki pinaulanan ng bala, siniguradong tigok

July 7, 2023 Melnie Ragasa-limena 314 views

WALANG balak na buhayin ng isang naka-motorsiklong suspek ang isang lalaki dahil matapos na barilin ay hinabol pa niya ito at muling binaril hanggang malagutan ng hininga nitong Huwebes ng gabi sa Barangay Holy Spirit, Quezon City.

Dead on the spot ang biktimang si York Anthony Atibo, 42 taong gulang.

Habang sugatan naman si Rose Marie Pascon, 35 taong gulang, matapos matamaan ng ligaw na bala sa kanang binti.

Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District, nangyari ang insidente alas diyes ng gabi nitong Hulyo 6 sa kahabaan ng San Simon Street sa Bgy. Holy Spirit.

Ayon sa mga testigo ay nakatayo lamang ang biktimang si Atibo sa nasabing lugar nang biglang dumating ang naka-motorsiklong suspek.

Bigla na lang umanong bumunot ito ng baril at pinaputukan ang biktima ng maraming beses.

Bagaman sugatan ay nagawa pang makatakbo ng biktima ngunit sinundan ito ng suspek at muli itong pinaputukan.

Nahagip naman ng ligaw na bala si Pascon habang nakaupo malapit sa pinangyarihan ng insidente.

Agad na tumakas ang suspek matapos ang pamamaril.