
Dentista kulong dahil sa hindi lisensiyadong baril, granada
SINALAKAY ng pulisya ang bahay ng 59-anyos na dentista matapos magpositibo ang impormasyon hinggil sa pag-iingat niya ng mga armas sa Caloocan City.
Dakong alas-4:35 ng hapon ng Miyerkules nang isagawa ng pinagsanib na puwersa ng Northern Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), Northern Police District (NPD) District Mobile Force Battalion at Caloocan City Police Station ang raid sa bahay ni Prospero Oropesa sa 434 Cherry Blossom St., Bo. Sto Nino sa Barangay 187 sa bisa ng search warrant na inilabas ni Caloocan Regional Trial Court Judge Raymundo G. Vallega ng Branch 130.
Sa ulat na tinanggap ni NPD Director P/BGen. Ponce Rogelio “Pojie” Penones Jr., humiling ng search warrant sa korte ang Northern CIDG matapos maiprisinta ang kanilang testigo na magpapatunay na may mga hindi lisensiyadong armas na nasa pag-iingat ng suspek.
Ayon kay Penones, nakuha ng mga operatiba sa bahay ni Oropesa ang isang kalibre .9mm pistol na may dalawang magazine na parehong naglalaman ng pitong bala ng ,9mm, isang caliber .45 pistol na may nakalagay na magazine na may dalawang bala at isang MK2 na granada na dahilan upang arestuhin siya ng pulisya.
Mga kasong paglabag sa Republic Act (RA) No. 10591, o ang Comprehensive Law on Firearms and Ammunition Act, at RA 9516, o Illegal Possession of Explosive, ang isinampa ng pulisya laban kay Oropesa sa Caloocan City Prosecutor’s Office.