Default Thumbnail

Lalaki pinatay ‘bf’ ni misis

November 9, 2021 Melnie Ragasa-limena 218 views

PATAY ang isang basurero matapos saksakin ng kapwa mangangalakal na inakusahan niyang may relasyon sa kaniyang misis sa Quezon City.

Ang biktima ay nakilalang si Kimar Anam, 38, may asawa, basurero, at naninirahan sa ilalim ng Pasong Tamo bridge sa Tandang Sora Brgy. Culiat, Quezon City.

Agad namang tumakas ang suspek na si Ador Segun, isa ring basurero at katabing naninirahan sa ilalim ng tulay ng biktima.

Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU- QCPD), bandang alas- 11 a.m. (November 7), nang maganap ang krimen sa tulay ng Pasong Tamo sa nasabing barangay.

Batay sa imbestigasyon ni PCpl. Mark Philip Paule, nagkaroon umano ng mainitang pagtatalo ang biktima at ang misis na si Zenaida kaya umawat ang suspek na nasa tabi lamang ng kanilang tirahan.

Pero sa halip na magpaawat ay nagalit ang biktima at pinagsalitaan ng masasakit ang suspek saka inakusahan na may relasyon ito kay Zenaida.

Dahil dito ay nagalit ang suspek at sinaksak ng dalawang beses ang biktima saka tumakas.