Posas1

Lalaki nag-bomb joke sa Quiapo Church, timbog

January 5, 2024 Jonjon Reyes 174 views

MULTANG P40,000 at posibleng mga limang taong pagkabilanggo ang maaaring ipataw, kung pahihintulutan ng korte ang akusasyon laban sa lalaking diumano’y nagbirong may bomba sa loob ng simbahan ng Itim na Nazareno sa Quiapo, Maynila, sa unang Biyernes ng taon at tatlong araw bago sumapit ang pagdiriwang ng kapistahan nito sa Enero 9.

Kinilala ni Police Lieutenant Colonel Leandro Gutierrez, commander ng Manila Police District (MPD) Sta. Cruz Police Station 3, ang 47-anyos na suspek na taga-Barangay Talipapa, Quezon City.

Ayon kay Police Captain Rowell Robles, ang hepe ng Plaza Miranda Police Community Precinct. bandang 5:30 ng madaling araw nang maganap ang insidente sa loob ng simbahan.

Dahil dito, nagpasaklolo ang isang nakatalagang security guard na si Michael Tamayo sa dalawang tauhan ni Robles.

Nabatid sa pulisya na nagsasagawa sila ng anti-criminality campaign at ipinaiiral ang seguridad sa loob at sa paligid ng simbahan, sa direktiba na rin ni MPD Director Police Colonel Arnold Thomas Ibay, nang maganap ang insidente.

Ang bomb joke ay ipinagbabawal batay sa Presidential Decree No. 1727, o “Declaring as unlawful the malicious dissemination of false information or the willful making of any threat concerning bombs, explosives or any similar device or means of destruction and imposing penalties therefor.”

AUTHOR PROFILE