Default Thumbnail

Lacuna nabigla nang himatayin si Sec. Lorenzana

June 15, 2022 Edd Reyes 244 views

IPINAHAYAG ni Manila Mayor-elect Honey Lacuna-Pangan na wala sa kanyang hinagap na may nararamdamang hindi maganda sa kanyang katawan si Defense Secretary Delfin Lorenzana nang himatayin noong Hunyo 12, habang ipinagdiriwang ang Araw ng Kalayaan na ginanap sa Rizal Park.

Sa kanyang naging pahayag sa panayam ng ABS-CBN news, sinabi ni Lacuna na hiniling sa kanila ng host na panoorin ang gagawing exhibition ng mga fighter jet planes kaya’t humarap sila sa langit sa gawing kaliwa at dahil mas malaki sa kanya ang kalihim, bahagya siyang lumihis ng tingin at doon na hinimatay si Sec. Lorenzana.

“Hindi ko po agad siya nasalo and medyo may kabigatan din po si Secretary kasi dead weight po yon kaya dumulas siya sa mga kamay ko,” sabi pa ni Lacuna.

Bilang isang doktor, kaagad niyang sinuri ang ulo ng kalihim upang alamin kung may tinamo siyang pinsala at laking pasalamat niya dahil bahagya lang namula ng konti ang bahagi ng ulong tumama sa semento.

Ginawa aniya niya lahat ang kanyang magagawa upang magising ang kalihim at masuwerte naman na makaraan lamang ang 30 segundo ay nagbalik na ang kamalayan ng opisyal at doon na rin nagtakbuhan patungo sa kanilang lugar ang mga taong sasaklo sa kalihim.

“Nanghihingi nga po ako ng tubig para mapainom tapos tinanggal po namin yung kanyang suot na barong, natulungan din po niya yung sarili niya, in fact natanggal po niya kaya doon po medyo nahimasmasan po ako kasi yun naman po talaga una kong concern yung loss of consciousness po niya kasi puwede pong batayan kung ano maging status niya after,” sabi pa ng mauupong alkalde.

Inamin din ni Mayor-elect Lacuna na hindi pa sila nagkakausap ng kalihim mula nang mangyari ang insidente bagama’t nakausap na niya ang pamilya para kumustahin ang kanyang kalagayan at labis siyang nagalak at gumaan ang loob nang malaman niyang nasa mabuti ng kalagayan ang kalihim.

Nito lamang aniyang Martes, nagpadala ng isang basket na puno ng prutas sa kanya si Sec. Lorenzana na may kalakip na sulat ng pasasalamat.

Umaasa rin siya na muling magpapasuri ngayong linggong ito sa kanyang doktor ang kalihim upang alamin kung may iba pang mabigat at delikadong nangyari sa kanyang kalusugan dulot ng biglaang pagkahimatay.

AUTHOR PROFILE