Default Thumbnail

‘Kung sampalin nga kaya ang mga hepe ng gov’t agency?’

July 30, 2021 Allan L. Encarnacion 409 views

Allan EncarnacionIYONG binanggit ni Presidente Rodrigo Duterte sa SONA na pagpapapila ng ating mga kababayan sa mga ahensiya ng gobyerno ay isa nang very bad institutionalized system ng mga taong walang malasakit sa bayan.

Ang totoo, hindi lang ito nangyayari sa gobyerno, kahit sa mga pribadong opisina ay makakakita ka rin ng mga pila-balde ng mga tao na kung uugatin mo lang ang dahilan, malalaman mong bunga lang ng katangahan, kapabayaan at kawalang malasakit sa kapwa.

Sa mga government agency, ang karaniwang biktima ay mga mahihirap, iyong mga walang ibang malalapitan kung hindi ang pamahalaan. Sa pribado, halo-halo sila, mayaman, mahirap, disabled, matanda at bata ay mga biktima rin.

Maraming pagkakataon, sa mga ahensiya ng gobyerno, kahit alas-nuebe na ng umaga, ayaw pang magpapasok ng mga astig at bastos na guwardiya dahil iyong mga empleyadong nasa loob ay nagsisimula pa lamang mag-makeup, or mag-ayos ng kani-kanilang lamesa o kaya naman, busy pa sila sa kuwentuhan ng mga napanood nilang televola sa nakalipas na gabi.

Palibhasa’y mahihirap, walang makapalag, walang makapagsalita laban sa ganitong sistema.

Kahit sinabi ng Civil Service Commission na wala dapat lunch break, may mga ahensiya pa rin ang walang operasyon mula alas-dose hanggang ala-una ng tanghali. Lahat ng inis aabutin mo dahil kailangan mong maghintay sa mga masusungit na kawani ng pamahalaan na magbubukas ng kanyang counter.

Panahon pa ng martilyong bato ay ganito na ang kalakaran kaya nakapagtatakang digital age na, naiwanan pa rin ang ganoong kultura sa ibang ahensiya ng pamahalaan.

Kapag nakita mo ang pila sa mga ospital ng pamahalaan, iisipin mong walang handang maglasakit sa ating mga kababayan.

Kahit anong improvement ang gawin ng national government, hindi rin masyadong bumababa sa ilang government facilities dahil nga systemic na sa mga taong pabaya ang kalakaran ng walang pakialam.

Noong nasa Malabon City at Pasig City PIO ako, wala kaming pinipiling oras kahit kailan dumating ang hihingi sa amin ng tulong. Hindi ko ito iniutos sa aking mga staff pero naging sistema na dahil nakita nila ang ginagawa ko.

Kung dumating ang mga tao sa aming opisina at nagla-lunch kami, tumatayo ako para kausapin sila. Dahil lunch time nga, ang una kong tinatanong kung kumain na ba sila. Madalas, ang mga dumarating na mahihirap sa ahensiya ng gobyerno ay nag-heavy breakfast lang kaya nagmemenos na sila ng lunch dahil inilalaan sa pamasahe or pambayad sa mga dokumentong kailangan nila.

Kaya ang una kong ginagawa dahil kumakain pa kami at aking mga staff, binibigyan ko muna sila ng pang-lunch. Ang P100 ay maliit na bagay sa iba sa atin pero sa isang naglalakad lang ng death certificate sa city hall ay malaking bagay na.

Pinababalik namin pero binibigyan muna namin ng pangkain kaya makikita mo ang tamis ng ngiti sa isang mahirap habang palabas ng iyong opisina. Kung sasabihin naman niyang kumain na siya, pinauupo din namin sa opisina at pinagkakape habang naghihintay magbukas ang opisinang kailangan niyang puntahan. Kung minsan, sa awa mo sa mga lumalapit sa opisina mo, ikaw na rin ang magbibigay ng pamasahe sa kanila pauwi. Hindi naman bulto ng tao ang dumarating sa PIO kaya manageable ang gastos, karaniwan, dalawa hanggang limang tao lang, iyong parang naligaw lang at naghahanap ng mapagtatanungan dahil wala silang makitang bukas na opisina kapag lunch time.

Alam kong hindi ito madaling gawin sa napakaraming taong dumarating sa isang ahensiya ng pamahalaan, pero may budget naman ang bawat ahensiya para kahit tubig at biscuit ay mabigyan ang ating mga kababayan na naghihintay sa pila.

Iyon kasing maramdaman lang ng mga tao na hindi sila pinababayaan ng kanilang gobyerno ay magbibigay sa kanila ng inspirasyon kahit anong hirap pa ang inaabot nila sa pila.

Pero sabi nga ni Presidente, para hindi pumila, bigyan mo ng number stab ang mga tao, halimbawa, mula 9 a.m. hanggang 12 noon, ang kaya munang estimahin ay 1 to 50. Iyong 51-to 100, bumalik na lang ng 1 p.m. hanggang 5 p.m. At ang mga lumagpas na sa numero ay pabalikin sa kinabukasan ayon sa ganitong sistema.

HIndi ito mahirap gawin pero bakit nangyayari pa rin ang pagmamaltrato sa mga kababayan natin?

Ano nga kaya’t sundin ng publiko si Digong? Sampalin nyo yang mga hepe ng ahensiya ng pamahalaan para matuto!

[email protected]