Default Thumbnail

Krus ng lumubog na simbahan, lumitaw sa Pantabangan Dam

April 27, 2023 Steve A. Gosuico 483 views

Sa gitna pagbaba ng water level

CABANATUAN CITY – Patuloy na bumabagsak ang water level sa Pantabangan Dam sa Nueva Ecija dulot ng kawalan ng tubig-ulan na naging sanhi upang lumitaw umano ang dulo ng krus ng Simbahang Katoliko na kasamang pinalubog ng buong lumang bayan ng Pantabangan nang ginawa ang nasabing dam noong dekada 1970.

“Yung tip pa lang ng sunken Catholic Church ang nakalitaw sir,” ang sabi ni municipal tourism officer Emisonia Gante sa Journal Group sa isang text message nang tanungin kung lumitaw na ba ang mga guho ng lumubog na lumang bayan nito dulot ng patuloy na tagtuyot sa lugar.

Kinumpirma naman ito ni Engr. Rosalinda B. Bote, department manager ng National Irrigation Administration-Upper Pampanga River Integrated Irrigation Systems (NIA-UPRIIS). Sinabi niya na ito ay dahil sa umabot na ang lebel ng tubig ng nasabing dam sa mababang marka na 180-meters bunsod ng kawalan ng ulan.

“Nasa elevation 180 (meters) na kasi kaya lilitaw (na) Sir, wala namang mga pag-ulan sa Pantabangan mismo, nagamit pa ng dry season crop ang tubig,” ang sabi ni Engr. Bote sa text message sa Journal Group nitong Huwebes.

Nitong 6 a.m. ng Huwebes, nabatid na ang water elevation ng Pantabangan Dam ay nasa 180.69 metro mula sa sukat nitong Miyerkules na 180.67 metro.

“Halos wala ding na-iko-contribute si Casecnan, minsan may araw na walang inflow o kaya sobrang hina naman ng inflow nasa 5 to 10 cms lang,” sabi pa niya, matapos punahin na ang Casecnan Dam sa Nueva Vizcaya na pinagawa upang dagdagan ang water supply ng Pantabangan Dam ay paminsan-minsan din umanong pumapalya na-ideliver ang kinakailangang dami ng tubig dito.

Nananatiling positibo naman ang NIA-UPRIIS chief na ang tag-uyot na nananarasan ngayon ay malalampasan din sa gitna ng mga projections ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na inilahad sa pagpupulong nila kasama ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong nakaraang dalawang linggo na ang mga pag-ulan at pagbagyo ay darating sa susunod na buwan ng Mayo at Hunyo.

“Mga lokal dams ang magiging source during the wet cropping season at ito ang time para makapag-ipon ng tubig sa dam para sa Dry Crop 2024,” said Bote.

Sa nakaraang taon ng dry season cut-off, nabatid na ang lebel ng tubig sa dam ay naitala sa 183 metro at matapos makaipon ang dam nitong wet season, nakapagpatubig ang UPRIIS ng higit sa 143,000 ektarya ng kabuuhang 147,500 ektaryang service area nito.

Bukod sa paggamit ng solar-powered pumps para sa irigasyon, sinabi ni Bote patuloy silang magsasagawa ng cloud-seeding operations katuwang ang Philippine Air Force (PAF) hanggang wet season upang madagdagan ang tubig irigasyon sa dam.

“Sanay naman din ang farmers natin sa alternate wetting and drying kaya mga natipid na tubig last cropping ay napatubigan ang karagdagan pa na mahigit 43 thousand hectares na sakop ng UPRIIS,” dagdag ni Bote.

AUTHOR PROFILE