Jerald

Kotse ni Jerald, sinuyod ng truck!

August 26, 2023 Vinia Vivar 169 views

Naaksidente ang comedian/theater actor na si Jerald Napoles nang banggain siya ng isang truck habang pauwi mula sa panonood ng FIBA World Cup 2023 opening kahapon, August 25.

Ibinahagi ni Jerald sa Facebook ang video ng pag-uusap nila ng driver ng truck at ipinakita rin ang damage na natamo ng aksidente sa kanyang sasakyan.

Mas pinili nga lang ng aktor na patawarin ang driver kesa pagbayarin pa sa nawasak niyang sasakyan.

“Ako na nag adjust. A problem won’t be solved by another problem,” ang simula ng kanyang caption.

Ikinuwento ni Jerald ang buong pangyayari sa kanyang post.

“Katatapos ko lang manuod ng Gilas Pilipinas vs Dominican Republic sa FIBA World Cup opening. Masaya ang experience kahit hindi tayo nanalo sa game.

“Pauwi na ako sa amin nang biglang na aksidente pa at nasuyod/bangga ng truck. Umangat bumper ko, basically nauuna na ako pero ipinasok pa niya sa lane ang truck kaya pa-angat ang wasak ng bumper ko. hindi na ako naka andar kasi tuloy tuloy ang truck. Halos patawid na siya na parang walang tinamaan,” kwento ni Jerald.

“May kasama siya sa passenger seat niya sa side ko na parang dedma lang. Hinarang ko ang truck para kausapin sa nangyari kasi parang uunahan na niya ako.

“Pinababa ko si kuya at eto nasa video ang usapan namin,” patuloy niya.

Sa video ay maririnig nga na sinabi ni Jerald sa driver na hindi na niya sisingilin ang driver dahil baka ibawas pa ito sa sahod nito at abot-abot naman ang pasasalamat ng kanyang nakabangga.

“Sa madaling salita, alam ko naman na ang tanging solusyon sa bangga ay ipaayos… kung irereklamo ko naman at ipipilit ko ang kakayanan at pagbayarin si kuya driver siguradong ikakaltas pa sa sahod niya ’to… imbes na solusyon, dagdag problema pa ang mangyayari… magiging komplikado pa sa pag aayos at paghahabol para mapanagutan niya…

“Bilang ako ang mas may kakayanang pinansyal, hindi ko na kinumplika… pinagsabihan ko na lang siya na sa susunod ay mag iingat. dahil pareho kame mapalad na ganito lang ang nangyari.

Gaya ng sinabi ko sa video… kadalasan hindi gaya ko na palalampasin lang ang ganitong aksidente ang makakasalamuha niya,” pahayag ni Jerald.

Pinayuhan na lang ng aktor ang driver na sa susunod ay mag-ingat ito sa pagmamaneho.

“Kuya Ranzy mag ingat at sana ito na ang huli mong disgrasya. pagpalain ka nawa at ang iyong pamilya. Magsilbing aral ito sayo at sa akin na rin. Laging panaigin ang tamang katwiran pero nang hindi makaka argabyado nang kapwa. Malaki ang bangga pero lamang ang kasiyahan sa buong araw. Dun na lang ako mag fofocus. Sana masarap pa rin ang gising at ulam ng pamilya mo bukas kuya Ranzy,” ang pangaral ni Jerald sa tsuper.

Sinaluduhan at hinanggaan naman si Jerald ng mga netizen at sey nila, sana all ay kasing-bait ng real-life boyfriend at screen partner ni Kim Molina sa TV5 funserye na Team A.

AUTHOR PROFILE