Default Thumbnail

Kotse nawalan ng control, nahulog sa bangin; isa patay

May 7, 2023 Jojo C. Magsombol 222 views

PATAY ang isang babae at sugatan ang drayber matapos aksidenteng mawalan ng preno ang kanilang sinasakyang kotse at bumulusok sa isang malalim na bangin habang tumatakbo sa kahabaan ng highway sa Col. Guido Ext., Upper Mangahan, Bgy. San Isidro, Angono, Rizal noong Biyernes.

Ayon sa mga pulis ng bayan ng Angono ang nasawi ay isang babae na sakay ng nabanggit na kotse.

Isang Noel Lascota, Jr., anak ng babaeng nasawi ay nagtungo sa himpilan ng pulisya at inereport ang naganap na aksidente.

Sa inisyal na imbestigasyon, dakong 1:30 a.m. ng Mayo 5, ang mga biktima ay galing sa isang resort sa Bingonan Rizal at papauwi na ng kanilang tahanan sakay ng platinum na Honda Civic na may plakang NEX8051.

Habang tumatakbo sa highway, ayon sa drayber napansin niya ang kanilang sinasakyang kotse ay tila pagewang-gewang.

Ilang sandali pa nawalan na ng control sa manibela ang driver nito at bumulusok ang sasakyan sa isang malalim na bangin at bumangga sa isang malaking puno.

Ang Municipal Disaster Risk and Reduction Center (DRRMO) Rescue team sa pamumuno ni Jerwin Santos ay mabilis na sumaklolo at agarang isinugod sa Rizal Provincial Hospital System Annex sa Angono, Rizal ang mga biktimang sugatan. Ang babaeng pasahero ay dineklarang patay dakong 1:46 a.m. ni Dr. Caroline V. Ramirez nang idating doon.

Ang drayber ay patuloy na ginagamot sa Manila East Medical Center ospital.

AUTHOR PROFILE