Hernia

Kelot tiklo sa ‘sex kotong’

May 19, 2023 Jonjon Reyes 211 views

NATIMBOG ng mga operatiba ng Manila District Anti-Cybercrime Team (MDACT) ang isang 27-anyos na lalaki na pinilit ang isang dalagang makipagkita sa hotel para i-delete ang nude video nito, sa ikinasang entrapment operation sa Bocaue, Bulacan.

Kinilala ni Police Brigadier General Sidney Hernia, chief ng Regional Anti-Cybercrime Group, ang suspek na residente ng Del Pilar St., Bagumbayan sa Bocaue, Bulacan.

Ayon sa ulat ni Police Captain Marlon Flores, team leader ng MDACT, ang pagkakadakip ng suspek ay bunsod ng reklamo ng isang 27-anyos na dalaga ng Sampaloc, Manila.

Pinangunahan ni Police Lieutenant Alexander Jimenez ng MDACT ang pagaresto sa suspek.

Kasong paglabag sa grave coercion, anti-photo at video voyeurism, at Violence Against Women and Their Children Act, na pawang pasok lahat sa Cybercrime Prevention Act of 2012, ang haharapin ng suspek.

Ayon kay Major Philipp Ines ng Public Information Office, maaari umanong nagkaroon ng relasyon ang dalawa at mayroong mga pribadong larawan na siyang ipinanakot ng suspek laban sa complainant.

Sa report ng MDACT, pinilit ng suspek na makipagkita ang complainant sa kaniya sa Brgy. Turo Terminal sa Bocaue kapalit ng halaga at sekswal na pabor na gagawin sa Viera Hotel upang i-delete ang nude video ng biktima.

Agad namang nagpasaklolo ang biktima sa mga kinauukulan at pinlano ang entrapment operation laban sa suspek, kung saan ito’y naaresto sa Governor Fortunato Halili Avenue sa Bocaue.

Nakumpiska mula sa suspek ang isang iPhone 11 at tatlong piraso ng iba’t-ibang identification cards sa pangalan ng suspek.

AUTHOR PROFILE